Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 19, 2019
GABON

Espesyal na Kampanya ng Pangangaral sa Gabon

Espesyal na Kampanya ng Pangangaral sa Gabon

Para mapuntahan ang mga teritoryong madalang mapangaralan sa Gabon, nag-organisa ang sangay sa Cameroon ng isang espesyal na kampanya ng pangangaral noong Hunyo 1 hanggang Agosto 31, 2019. Ang tunguhin ay mapangaralan ang mga nakatira sa 10 lunsod na may pinakamaraming residente: Franceville, Koulamoutou, Lambaréné, Libreville, Makokou, Moanda, Mouila, Oyem, Port-Gentil, at Tchibanga. Isa itong internasyonal na kampanya, dahil kasama sa mga nagboluntaryo ang 400 kapatid mula sa Belgium, Canada, France, at United States.

Mahigit dalawang milyon ang nakatira sa Gabon. Tinatayang 80 porsiyento ng mga tagaroon ang nagsasalita ng French, ang opisyal na wika ng bansa, pero tinatayang 30 porsiyento ang nagsasalita rin ng Fang bilang kanilang pangunahing wika. Dahil dito, ginawa ang kampanya sa dalawang wika.

Isang taong interesado sa Bibliya, na nagsasalita ng Fang at nakatira sa Bissegue sa lunsod ng Libreville, ang nagsabi: “Ngayon ko lang narinig ang mensahe ng Diyos sa sarili kong wika!”

Sinabi ng isang sister na nagboluntaryo: “Kitang-kita sa kampanyang ito ang pag-ibig at pagkakaisa ng organisasyon ni Jehova. Napakabait ng mga kapatid. Mapagpatuloy sila, bukas-palad, nakakapagpatibay, at talagang mapagmahal. Naaalala ko tuloy ang sinabi ni Pablo tungkol sa kongregasyon ng Filipos. Gaya nila, mayroon din tayong ‘iisang kaisipan at pag-ibig sa isa’t isa, na lubusang nagkakaisa at may iisang takbo ng isip.’”—Filipos 2:2.