Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 9

Matuto Mula sa Mesiyas na Lider

Matuto Mula sa Mesiyas na Lider

INIHULA ng Diyos na aatasan niya ang Mesiyas bilang Lider ng lahat ng tao. Alam ng Diyos kung anong uri talaga ng lider ang kailangan natin, at ang pinakamahusay ang pinili niya. Anong uri ng Lider ang Mesiyas? Isang magiting na heneral? Isang mahusay na pulitiko? Isang matalinong pilosopo? Ayon sa Banal na Kasulatan, ang Mesiyas ay isang natatanging propeta​—si Jesu-Kristo.​—Mateo 23:10.

Tiniyak ng Diyos na si Jesus ay isinilang na banal at walang kasalanan. Isa pa, nilabanan ni Jesus ang lahat ng pagsisikap ni Satanas na sirain ang kaniyang katapatan. Sa salita at gawa, lubusang ipinakita ni Jesus ang matalinong paggamit ng Diyos ng kapangyarihan, pati na ng katarungan, karunungan, at pag-ibig. Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesus.

Matulungin si Jesus sa mga tao

Ginamit niya sa pagtulong sa iba ang kapangyarihang ibinigay sa kaniya ng Diyos. Talagang nagmalasakit si Jesus sa mga tao, at maraming ulit niyang ginamit ang kaniyang kapangyarihan para tugunan ang mga pangangailangan nila. “Nahahabag ako sa pulutong, sapagkat . . . wala silang makain,” ang sabi niya. (Marcos 8:2) Pagkatapos, makahimalang pinakain ni Jesus ang napakaraming tao na nakinig sa mga turo niya.

Naglakbay din si Jesus, nagturo, at ‘nagpagaling ng bawat uri ng karamdaman at kapansanan.’ (Mateo 4:23) Hindi kataka-takang sumunod sa kaniya ang napakaraming tao, at ‘ninais ng buong pulutong na hipuin siya, sapagkat ang kapangyarihan ay lumalabas sa kaniya at pinagagaling silang lahat.’ (Lucas 6:19) Oo, si Jesus ay dumating, “hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) a Gaano karaming lider ang nagpapakita ng ganiyang pagsasakripisyo?

Inibig ni Jesus ang mga bata

Ipinakita niya ang katarungan ng Diyos. Sinunod ni Jesus ang mga tagubilin at prinsipyo ng Kautusan ng Diyos. Gaya ng inihula ng Kasulatan, para na rin niyang sinabi: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.” (Awit 40:8) Gaya ng Diyos, pinakitunguhan ni Jesus ang lahat​—mayaman at mahirap, lalaki at babae, bata at matanda​—nang may dignidad, paggalang, at walang pagtatangi. Minsan, pinagalitan ng mga alagad ni Jesus ang mga magulang na nagdala ng kanilang mga anak kay Jesus. Pero sinabi ni Jesus: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang tangkaing pigilan, sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nauukol sa mga tulad nito.”​—Marcos 10:14.

Ipinakita niya ang karunungan ng Diyos. Kilalang-kilala ni Jesus ang mga tao. “Alam niya kung ano ang nasa tao.” (Juan 2:25) Nang aarestuhin na si Jesus ng mga tauhan ng kaniyang mga kaaway, sinabi mismo ng mga ito: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.” Saan nakuha ni Jesus ang kaniyang karunungan? Ipinaliwanag niya: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.”​—Juan 7:16, 46.

Dahil sa awa, pinagaling ni Jesus ang mga maysakit

Ipinakita niya ang pag-ibig ng Diyos. Mapagmahal din si Jesus sa mga tao. Isang lalaki na “punô ng ketong” ang nagmakaawa sa kaniya: “Panginoon, kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.” Dahil sa awa, “iniunat [ni Jesus] ang kaniyang kamay at hinipo siya, at sinabi sa kaniya: ‘Ibig ko. Luminis ka.’ At kaagad na naglaho sa kaniya ang ketong.” (Lucas 5:12, 13; Marcos 1:41, 42) Talagang gusto ni Jesus na matapos na ang paghihirap ng kawawang lalaking iyon.

Nagmamalasakit din ba sa iyo si Jesus? Si Jesus mismo ang sumasagot: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.”​—Mateo 11:28, 29.

Si Jesus ang pinakamahusay na Lider na maaaring mamuno sa atin. Inaanyayahan niya tayo: “Matuto kayo mula sa akin.” Tatanggapin mo ba ang paanyayang iyan? Kung oo, magkakaroon ka ng maligayang buhay.

a Para sa pagtalakay tungkol sa pantubos, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?