Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tekstong Masoretiko

Tekstong Masoretiko

Tumutukoy ito sa Hebreong Kasulatan (tinatawag ding Lumang Tipan) na nasa mga manuskritong Hebreo na ginawa ng mga Judiong iskolar at eskriba. Ang mga lalaking ito, na nagpatuloy sa tradisyon ng maingat na pagkopya ng tekstong Hebreo, ay tinawag na mga Masorete. (Ang salitang Hebreo na ma·soh·rahʹ ay nangangahulugang “tradisyon.”) Ang mga manuskritong ito ay ginawa mula noong ikaanim na siglo C.E. Ginamit na basehan ang tekstong Masoretiko sa maraming salin ng Hebreong Kasulatan sa ngayon.

Sinikap ng mga Masorete na kopyahing mabuti ang tekstong Hebreo. Halimbawa, maingat nilang binibilang ang mga salita, at letra pa nga, para matiyak na hindi sila nagkamali. Puro katinig lang ang orihinal na tekstong Hebreo, kaya bumuo ang mga Masorete ng isang sistema ng paglalagay ng mga tuldok at tuldik para mabasa nang tama ang Kasulatan. Kapag may nakita silang mga pagkakaiba sa teksto, naglalagay sila ng impormasyon sa mga margin at dulo ng mga manuskrito tungkol dito. Malaking tulong ito sa mga iskolar para malaman ang mga pagbabago sa tekstong Hebreo sa paglipas ng panahon.

Karamihan sa mahigit 6,000 manuskrito ng Hebreong Kasulatan sa ngayon ay tekstong Masoretiko. Kasama sa pinakamatatanda at pinakamaaasahang tekstong Masoretiko ay ang Cairo Codex of the Prophets (sinasabi dati na mula noong 895 C.E., pero sinasabi ngayon ng mga mananaliksik na mula ito noong ika-11 siglo C.E.), Aleppo Codex (mga 930 C.E.), at Leningrad Codex (1008-1009 C.E.).—Tingnan ang ALEPPO CODEX; LENINGRAD CODEX.

Ikinumpara ng mga iskolar ang tekstong Masoretiko sa ilang bahagi ng Dead Sea Scroll. Ang mga balumbong iyon ay mas matanda nang mga isang libong taon sa tekstong Masoretiko. Nakita ng mga iskolar na naingatang mabuti ang laman ng Hebreong Kasulatan sa paglipas ng daan-daang taon.—Tingnan ang Ap. A3.