Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 26

Naibalik na Paraiso!

Naibalik na Paraiso!

Sa pamamagitan ng Kahariang pinamamahalaan ni Kristo, pababanalin ni Jehova ang Kaniyang pangalan, ipagbabangong-puri ang Kaniyang Soberanya, at aalisin ang lahat ng masama

ANG huling aklat ng Bibliya, ang Pahayag o Apocalipsis, ay nagbibigay ng pag-asa sa lahat ng tao. Ang aklat na ito na isinulat ni Juan ay naglalaman ng mga pangitain na hahantong sa katuparan ng layunin ni Jehova.

Sa unang pangitain, pinuri at itinuwid ng binuhay-muling si Jesus ang ilang kongregasyon. Sa sumunod na pangitain naman, nakita ni Juan ang trono ng Diyos sa langit, kung saan naghahandog ng papuri sa Kaniya ang mga espiritung nilalang.

Habang natutupad ang layunin ng Diyos, ang Korderong si Jesu-Kristo ay tumanggap ng isang balumbong may pitong tatak. Nang buksan ang unang apat na tatak, lumitaw sa eksena ng daigdig ang makasagisag na mga mangangabayo. Ang una ay si Jesus na nakasakay sa puting kabayo at nakokoronahan bilang Hari. Kasunod niya ang mga mangangabayo na nakasakay sa mga kabayong magkakaiba ang kulay. Sila’y lumalarawan sa digmaan, taggutom, at salot​—na lahat ay nangyayari sa mga huling araw ng daigdig na ito. Nang buksan naman ang ikapitong tatak, pitong makasagisag na trumpeta ang hinipan bilang hudyat ng paghahayag ng mga hatol ng Diyos. Kasunod nito ang pitong makasagisag na salot, o kapahayagan ng galit ng Diyos.

Ang Kaharian ng Diyos, na inilalarawan bilang bagong-silang na lalaking sanggol, ay itinatag sa langit. Sumiklab ang digmaan, at inihagis sa lupa si Satanas at ang kaniyang ubod-samang mga anghel. “Sa aba ng lupa,” ang sabi ng isang malakas na tinig. Napakatindi ng galit ng Diyablo dahil alam niyang kaunti na lamang ang kaniyang panahon.​—Apocalipsis 12:12.

Nakita ni Juan si Jesus sa langit na inilalarawan bilang isang kordero, kasama ang 144,000 pinili mula sa mga tao. Ang mga ito ay “mamamahala . . . bilang mga hari na kasama” ni Jesus. Kung gayon, ipinakikita ng Apocalipsis na ang pangalawahing bahagi ng binhi ay may bilang na 144,000.​—Apocalipsis 14:1; 20:6.

Ang mga tagapamahala sa lupa ay matitipon sa Armagedon, ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Makikipagdigma sila sa isa na nakaupo sa puting kabayo​—si Jesus, na siyang pinuno ng makalangit na hukbo. Malilipol ang lahat ng tagapamahala ng daigdig na ito at igagapos si Satanas. Saka ngayon pamamahalaan ni Jesus at ng 144,000 ang lupa sa loob ng “isang libong taon.” Pagkatapos ng isang libong taóng iyon, pupuksain na si Satanas.​—Apocalipsis 16:14; 20:4.

Ano ang maisasagawa ng isang libong taóng pamamahala ni Kristo at ng kaniyang mga kasama para sa masunuring mga tao? Sumulat si Juan: “Papahirin [ni Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Magiging paraiso na ang buong lupa!

Kung gayon, sa aklat na ito ng Apocalipsis nagtatapos ang mensahe ng Bibliya. Sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, pababanalin ang pangalan ni Jehova at lubusang ipagbabangong-puri ang kaniyang soberanya magpakailanman!

​—Batay sa aklat ng Apocalipsis.