Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Paano Tayo Nagiging Mabuti o Masama?

Paano Tayo Nagiging Mabuti o Masama?

ANG kasaysayan ay tigmak ng poot at pagdanak ng dugo. Pero sa gayong kalunus-lunos na mga pangyayari, kadalasan nang masasaksihan ang pambihirang mga gawa ng kabaitan at pagsasakripisyo sa sarili. Bakit kaya ang ilan ay nagiging malupit na kriminal at ang iba naman ay mga taong mapagmahal? Bakit kaya kung minsan ay nangingibabaw sa mga tao ang makahayop na pag-uugali?

Di-kasakdalan at ang Budhi

Ang Bibliya ay tahasang nagsasabi: “Ang hilig ng puso [ng tao] ay masama sapul pagkabata.” (Genesis 8:21, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Kaya ang mga bata ay likas na may kasutilan. (Kawikaan 22:15) Mula pagkasilang, lahat tayo ay may tendensiyang gumawa ng mali. (Awit 51:5) Para makagawa ng mabuti, kailangan ng pagsisikap tulad ng pagsasagwan nang pasalungat sa agos.

Gayunman, mayroon din tayong budhi. Ang likas na kakayahang ito na malaman ang tama at mali ang nakakaimpluwensiya sa karamihan sa atin na kumilos nang katanggap-tanggap sa lipunan. Ito ang dahilan kung bakit kahit ang ilang taong walang pagsasanay sa moral ay kilala sa kanilang kabutihan. (Roma 2:14, 15) Pero gaya ng nabanggit na, dahil sa tendensiyang gumawa ng masama, nahihirapan tayong gumawa ng mabuti. Ano pa kaya ang maaaring humadlang sa pagsisikap nating gumawa ng mabuti?

Masamang Impluwensiya

Ginagaya ng hunyango ang kulay ng kaniyang kapaligiran. Sa katulad na paraan, kung laging sasama sa mga kriminal ang isa, mas malaki ang posibilidad na maimpluwensiyahan siya ng mga ito. Ang Bibliya ay nagbababala: “Huwag kang susunod sa nakararami sa paggawa ng masama.” (Exodo 23:2, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Ngunit kung ang isa ay laging sasama sa mga taong tapat, makatarungan, at malinis sa moral, magiging mabuti siya.​—Kawikaan 13:20.

Gayunman, hindi natin masasabing ligtas na tayo sa masamang impluwensiya dahil lang sa hindi tayo nakikisama sa mga taong gumagawa ng mali. Dahil sa ating di-kasakdalan, likas sa atin na mag-isip ng masama. Maaari itong mangibabaw sa atin at umakay sa pagkakasala. (Genesis 4:7) Gayundin, ang masamang impluwensiya ay puwedeng makapasok sa ating tahanan dahil sa media. Ang mga video game, programa sa telebisyon, at pelikula ay kadalasan nang nagtataguyod ng karahasan at paghihiganti. Kahit ang regular na panonood o pagbabasa ng balita sa loob at labas ng bansa ay makakapagpamanhid sa atin sa pagdurusa at pagdadalamhati ng tao.

Bakit kaya may masamang impluwensiya? Sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.” (1 Juan 5:19, Magandang Balita Biblia) Sinasabi ng Kasulatan na ang “diyablo” na ito, si Satanas, ay sinungaling at mamamatay-tao. (Juan 8:44) Pinalalaganap niya ang kasamaan sa pamamagitan ng impluwensiya ng kaniyang sanlibutan.

Dahil sa mga bagay na ito na humuhubog sa ating saloobin at pagkilos, baka isipin ng ilan na hindi sila ang dapat managot sa kanilang masasamang gawa. Gayon nga ba? Ang totoo, kung paanong kinokontrol ng manibela ang kotse at ng timon ang barko, kinokontrol din ng isip ang katawan.

Mabuti o Masama​—Nasa Iyo ang Pagpili

Anuman ang gawin ng isa, mabuti man o masama, ay inisip niya muna. Kung ang isa ay mag-iisip ng positibo at mabubuting bagay, mabuti rin ang ibubunga nito. Sa kabaligtaran, kung hahayaan ng isa na tumubo sa kaniyang isip ang makasariling hangarin, malamang na magbunga ito ng paggawa ng masama. (Lucas 6:43-45; Santiago 1:14, 15) Kaya naman masasabi na ang tao ay mabuti o masama depende sa kung ano ang pinili niyang maging.

Nakatutuwa, ipinapakita ng Bibliya na puwedeng matutuhan ang kabutihan. (Isaias 1:16, 17) Pag-ibig ang mag-uudyok sa isa na gumawa ng mabuti, dahil “ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa.” (Roma 13:10) Kung lilinangin natin ang pag-ibig sa kapuwa, hinding-hindi natin gagawan ng masama ang sinuman.

Iyan ang natutuhan ni Ray na taga-Pennsylvania, E.U.A. Bata pa lang siya, natuto na siyang makipag-away. Sa katunayan, binansagan pa nga siya ng isang palayaw na bagay sa kaniyang pagiging basag-ulero. Mainitin din ang kaniyang ulo. Gayunman, nang ikapit niya ang mga simulain ng Bibliya, unti-unti siyang nagbago. Pero hindi iyon naging madali. May mga pagkakataong nadama din niya ang nadama ng manunulat sa Bibliya na si Pablo: “Kapag nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin.” (Roma 7:21) Ngayon, matapos ang ilang taóng pagsisikap, nagawa ni Ray na “daigin ng mabuti ang masama.”​—Roma 12:21.

Bakit sulit ang ‘lumakad sa daan ng mabubuting tao’? (Kawikaan 2:20-22) Dahil sa dakong huli, tiyak na magtatagumpay ang mabuti sa masama. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin . . . Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:9-11) Aalisin ng Diyos ang lahat ng kasamaan. Isa ngang napakagandang kinabukasan ang naghihintay para sa mga nagsisikap na gumawa ng mabuti!

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

● Sino ang may pananagutan sa ating mga gawa?​—Santiago 1:14.

● Maaari ba tayong magbago?​—Isaias 1:16, 17.

● Magwawakas pa kaya ang kasamaan?​—Awit 37:9, 10; Kawikaan 2:20-22.

[Mga larawan sa pahina 21]

Ang tao ay mabuti o masama depende sa kung ano ang pinili niyang maging