Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aliwin ang mga May Taning Na ang Buhay

Aliwin ang mga May Taning Na ang Buhay

Aliwin ang mga May Taning Na ang Buhay

“Nang marinig kong may taning na ang buhay ni Inay, talagang hindi ako makapaniwala. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa, at hindi ko matanggap na malapit nang mamatay ang aking mahal na ina.”​—Grace, Canada.

KAPAG ang isang mahal sa buhay ay tinaningan na ng mga doktor, ang kaniyang pamilya at mga kaibigan ay labis na nababagabag at halos di-malaman ang gagawin. Maaaring iniisip ng ilan kung dapat ba nilang sabihin sa pasyente ang buong katotohanan tungkol sa kaniyang kondisyon. Nag-aalinlangan naman ang iba na baka hindi nila makayanan kung makikita nilang nahihirapan at halos mawalan na ng dignidad ang kanilang mahal sa buhay dahil sa mga epekto ng kaniyang sakit. Marami ang nag-aalala na baka hindi nila malaman kung ano ang dapat nilang sabihin o gawin sa mga huling sandali ng buhay ng pasyente.

Ano ang dapat mong malaman tungkol sa posibleng maging reaksiyon mo sa ganitong masamang balita? At paano ka magiging isang “tunay na kaibigan” at makapagbibigay ng kaaliwan at suporta sa malungkot na sandaling ito?​—Kawikaan 17:17.

Natural na Reaksiyon

Natural lamang na mabagabag kapag nagkaroon ng malubhang karamdaman ang isang mahal sa buhay. Kahit nga ang mga doktor na palagi nang nakakakita ng mga pasyenteng namamatay ay nababahala rin​—at wala silang magawa​—kapag napaharap sa pisikal at emosyonal na pangangailangan ng mga pasyenteng may taning na ang buhay.

Baka hirap ka ring kontrolin ang iyong emosyon kapag nakikita mong nahihirapan ang iyong mahal sa buhay. Ganito ang sabi ni Hosa, nakatira sa Brazil na ang kapatid ay may taning na ang buhay, “Napakasakit makitang patuloy na naghihirap ang iyong minamahal dahil sa kirot.” Nang makita ng tapat na si Moises na kinapitan ng ketong ang kaniyang kapatid, napasigaw siya: “O Diyos, pakisuyo! Pagalingin mo siya, pakisuyo!”​—Bilang 12:12, 13.

Nababagabag tayo sa paghihirap ng ating may-sakit na mahal sa buhay dahil nilalang tayo ayon sa larawan ng ating mahabaging Diyos na si Jehova. (Genesis 1:27; Isaias 63:9) Ano ba ang nadarama ni Jehova sa paghihirap ng mga tao? Tingnan natin ang reaksiyon ni Jesus. Tinularan ni Jesus ang buong personalidad ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) Nang makita ni Jesus na pinahihirapan ng sakit ang mga tao, nakadama siya ng “pagkahabag” sa kanila. (Mateo 20:29-34; Marcos 1:40, 41) Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo ng magasing ito, nang mamatay ang kaniyang kaibigang si Lazaro, at nakita ni Jesus ang epekto nito sa pamilya at mga kaibigan, siya ay lubhang nabagabag at “lumuha.” (Juan 11:32-35) Oo, inilalarawan sa Bibliya ang kamatayan bilang isang kaaway at nangangako itong malapit nang mawala ang sakit at kamatayan.​—1 Corinto 15:26; Apocalipsis 21:3, 4.

Mangyari pa, baka isisi mo sa iba​—sa sinuman​—ang masaklap na balitang may taning na ang buhay ng iyong minamahal. Pero ganito ang payo ni Dra. Marta Ortiz, na gumawa ng isang tesis tungkol sa pag-aalaga sa mga pasyenteng may taning na ang buhay: “Huwag sisihin ang iba​—ang mga doktor, nars, o ang iyong sarili​—sa sinapit ng pasyente. Makadaragdag lamang ito ng tensiyon at hindi tuloy maaasikaso ang dapat asikasuhin: ang pangangailangan ng pasyenteng may taning na ang buhay.” Anu-anong praktikal na hakbangin ang maaari mong gawin para matulungan mo ang iyong mahal sa buhay na harapin ang kaniyang sakit at ang posibilidad na mamatay siya?

Tingnan ang Indibiduwal, Hindi ang Kaniyang Sakit

Huwag mong tingnan ang malaking pagbabago sa hitsura ng pasyente na epekto ng kaniyang sakit, sa halip, pasyente ang tingnan mo. Paano mo ito magagawa? Ganito ang sabi ni Sarah, isang nars: “Tinitingnan ko ang mga litrato ng pasyente noong malakas pa siya. Nakikinig akong mabuti habang ikinukuwento niya sa akin ang kaniyang mga karanasan. Tumutulong ito sa akin na alalahanin ang buhay niya noon sa halip na pagtuunan lamang ng pansin ang kaniyang kasalukuyang kondisyon.”

Ipinaliwanag ni Anne-Catherine, isa ring nars, kung paano niya naiiwasang tingnan ang hitsura ng pasyente. “Sa mata ako tumitingin,” ang sabi niya, “at pinag-iisipan ko kung paano ako makakatulong sa pasyente.” Ang aklat na The Needs of the Dying—A Guide for Bringing Hope, Comfort, and Love to Life’s Final Chapter ay nagsasabi: “Talaga ngang napakasakit makita ang isang mahal sa buhay na nagbago na ang hitsura dahil sa sakit o aksidente. Kapag nangyari ito, ang pinakamabuting magagawa ay ang tingnan ang kaniyang mga mata at ang di-nagbabagong pagkatao niya.”

Totoong kailangan ang pagpipigil sa sarili at determinasyon para magawa ito. Si Georges, isang Kristiyanong tagapangasiwa na palaging dumadalaw sa mga may taning na ang buhay, ay nagsabi, “Dapat na mas malakas ang pag-ibig natin sa ating kaibigan kaysa sa kaniyang sakit.” Kung pagtutuunan mo ng pansin ang pasyente sa halip na ang kaniyang sakit, makikinabang ka at ang iyong mahal sa buhay. Si Yvonne, na nag-alaga ng mga batang may kanser, ay nagsabi, “Kapag alam mong makatutulong kang mapanatili ang dignidad ng mga pasyente, mas madali mong matatanggap anuman ang maging hitsura nila.”

Maging Handang Makinig

Baka mag-atubili ang mga tao na dalawin ang isang may taning na ang buhay kahit mahal na mahal nila ito. Bakit? Nag-aalala sila na baka hindi nila alam kung ano ang kanilang sasabihin. Pero ipinaliwanag ni Anne-Catherine, na nag-alaga kamakailan lamang sa isang kaibigang may taning na ang buhay, na may naitutulong din kahit wala kang masabi. Ang sabi niya: “Nakapagbibigay ng kaaliwan hindi lamang ang salita kundi gayundin ang gawa. Maaari tayong umupo sa tabi nila, hawakan natin ang kamay nila, huwag nating pigilan ang ating sarili sa pagluha kapag sinasabi nila sa atin ang kanilang nadarama​—ang lahat ng ito ay nagpapakitang nagmamalasakit tayo sa kanila.”

Malamang na kailangang sabihin ng iyong minamahal ang niloloob niya​—sabihin sa iyo ang tunay niyang nadarama. Pero madalas na napapansin ng may-sakit na naiilang ang mga mahal niya sa buhay kaya iniiwasan na niyang ipakipag-usap ang maseselan at personal na mga bagay. Baka gusto ring makatulong ng kaniyang mga kaibigan at kapamilya pero maaaring iniiwasan naman nilang pag-usapan ang mga bagay tungkol sa pasyente, anupat inililihim pa nga sa kaniya ang tunay niyang kondisyon. Ano ang nagiging resulta ng ganitong paglilihim? Ipinaliwanag ng isang doktor na nag-aasikaso sa mga pasyenteng may taning na ang buhay na ang pagsisikap na ilihim ang katotohanan ay “umaagaw lamang sa lakas na magagamit sana sa pagpapaliwanag tungkol sa situwasyon at pagharap sa karamdaman.” Samakatuwid, kung gusto ng pasyente, dapat siyang hayaang malayang ipakipag-usap ang kaniyang kondisyon o ang posibilidad na mamatay siya.

Kapag nasa bingit ng kamatayan, hindi nag-aatubili ang mga lingkod ng Diyos noon na sabihin sa Diyos na Jehova ang kanilang mga pangamba. Halimbawa, nang malaman ng 39-na-taóng-gulang na si Haring Hezekias na mamamatay na siya, sinabi niya ang kaniyang pagdadalamhati. (Isaias 38:9-12, 18-20) Sa katulad na paraan, ang mga pasyenteng may taning na ang buhay ay dapat hayaang ipahayag ang kanilang kalungkutan dahil mamamatay na sila. Marahil ay nakadarama sila ng kabiguan dahil hindi na nila maaabot ang kanilang mga tunguhin sa buhay, gaya ng paglalakbay, pagkakaroon ng sariling pamilya, makitang lumaki ang kanilang mga apo, o higit pang mapaglingkuran ang Diyos. Marahil ay nangangamba silang baka layuan sila ng kanilang mga kaibigan at kapamilya dahil hindi alam ng mga ito kung ano ang gagawin nila. (Job 19:16-18) Ang pangamba na baka sila mahirapan, na hindi na nila makokontrol ang kanilang katawan, o na mamatay sila nang nag-iisa ay maaaring magpabigat sa kanilang kalooban.

Sinabi ni Anne-Catherine: “Mahalaga na hayaan mong sabihin ng iyong kaibigan ang kaniyang niloloob, nang hindi siya pinipigilan o hinahatulan o sinasabihang huwag siyang matakot. Iyon ang pinakamagandang paraan para malaman mo kung ano talaga ang nadarama niya at kung ano ang kaniyang mga kahilingan, pangamba, at inaasahan.”

Unawain ang mga Pangunahing Pangangailangan

Ang pinagdaraanan ng iyong kaibigan, na marahil ay pinatindi pa ng agresibong mga terapi at ng mga epekto ng gayong panggagamot, ay baka labis mong ikabahala anupat makaligtaan mo ang isang pangunahing pangangailangan ng pasyente. Ang pangangailangang makagawa ng sarili niyang desisyon.

Sa ilang kultura, baka protektahan ng pamilya ang may-sakit sa pamamagitan ng hindi pagsasabi sa kaniya ng tunay niyang kondisyon, hanggang sa punto na hindi na nila tinatanong ang pasyente sa gusto nitong paraan ng paggamot. Iba naman ang nagiging problema sa ibang mga kultura. Halimbawa, si Jerry, isang nars, ay nagsabi, “Kung minsan, ang mga bisita ay nag-uusap-usap tungkol sa pasyente sa tabi ng kaniyang kama, na para bang wala siya roon.” Ang gayong paggawi sa alinman sa dalawang kulturang ito ay nag-aalis ng dignidad ng pasyente.

Ang isa pang pangangailangan ay ang pag-asa. Sa mga bansang may magagaling na doktor, ang pag-asa ay madalas na kaugnay ng paghanap ng mahuhusay na paraan ng paggamot. Si Michelle, na naging kaagapay ng kaniyang nanay sa tatlong ulit nitong pagkakaroon ng kanser, ay nagpaliwanag: “Kapag gusto ni Inay na sumubok ng ibang paggamot o magpatingin sa ibang espesyalista, tinutulungan ko siyang makakuha ng impormasyon. Napag-isip-isip kong dapat ko na itong tanggapin sa aking kalooban pero, sinisikap ko pa ring maging positibo sa pagsasalita.”

Paano kung wala na talagang pag-asang gumaling? Tandaan na kailangan ng pasyenteng may taning na ang buhay na tapatang ipakipag-usap ang tungkol sa kamatayan. Si Georges, ang Kristiyanong tagapangasiwa na nabanggit kanina, ay nagsabi: “Napakahalagang huwag ilihim ang nalalapit na kamatayan. Mabibigyan nito ng pagkakataon ang pasyente na gumawa ng praktikal na mga kaayusan at makapaghanda para sa kaniyang kamatayan.” Ang gayong paghahanda ay makapagpapadama sa pasyente na naisaayos niya ang mga bagay na kailangang ayusin bago siya mamatay at makababawas sa kaniyang pag-aalala na baka nagiging pabigat siya sa iba.

Mangyari pa, talagang mahirap pag-usapan ang mga bagay na ito. Pero ang gayong tapatang pag-uusap ay magbibigay ng pambihirang pagkakataon upang maipahayag ang tunay mong niloloob. Baka gusto ng naghihingalong pasyente na ayusin ang anumang di-pagkakaunawaan, magpahayag ng kalungkutan sa nangyari, o humingi ng tawad. Ang ganitong pag-uusap ay maaaring maging dahilan upang higit na mapalapít sa iyo ang isang malapit nang mamatay.

Pagbibigay ng Kaaliwan sa Kaniyang Nalalabing mga Araw

Paano mo mabibigyan ng kaaliwan ang isang taong malapit nang mamatay? Ganito ang sabi ni Dra. Ortiz na binanggit kanina: “Hayaan mong sabihin ng pasyente ang kaniyang mga huling kahilingan. Makinig na mabuti. Hangga’t maaari, sundin ang gusto ng pasyente. Kung imposibleng maibigay ang hinihiling niya, tapatin mo siya.”

Maaaring mas kailangan ngayon ng naghihingalong pasyente na makapiling ang mga pinakamamahal niya sa buhay. Sinabi ni Georges, “Tulungan ang pasyente na makausap sila, kahit na ito ay maikli lamang dahil mahina na ang pasyente.” Kahit sa telepono lang, ang pag-uusap na ito ay nagbibigay ng pagkakataon para magpatibayan sila at manalanging magkakasama. Naaalaala pa ni Christina, taga-Canada na sunud-sunod na namatayan ng tatlong mahal sa buhay, “Habang papalapít ang kanilang kamatayan, lalo silang nakadarama na kailangang-kailangan nila ang mga panalangin ng kanilang mga kaibigang Kristiyano.”

Dapat mo bang pigilan ang pag-iyak sa harap ng iyong minamahal? Hindi. Kung iiyak ka, binibigyan mo ng pagkakataon ang iyong naghihingalong kaibigan na aliwin ka. Ang aklat na The Needs of the Dying ay nagsasabi: “Isang nakaaantig na karanasan na aliwin ng mga malapit nang mamatay, isang bagay na napakahalaga sa kanila.” Sa pag-aliw sa iba, muling nadarama ng isang palaging inaalagaan na siya pa rin ang dating mapagmahal na kaibigan, ama, o ina.

Mangyari pa, dahil sa ilang kalagayan, maaaring hindi mo makapiling ang isang minamahal sa mga huling sandali ng kaniyang buhay. Pero kung madadalaw mo ang iyong kaibigan sa ospital o sa bahay, hawakan mo ang kamay niya hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay. Ang mga huling sandaling iyon ay nagbibigay ng pagkakataon para maipadama sa kaniya ang iyong pagmamahal na hindi mo halos nasabi noon. Kahit hindi na makapagsalita ang pasyente, kausapin mo pa rin siya, magpaalam ka sa kaniya at sabihing mahal na mahal mo siya at umaasa kang muli kayong magkikita sa pagkabuhay-muli.​—Job 14:14, 15; Gawa 24:15.

Kung sasamantalahin mo ang mga huling sandaling ito, hindi ka magsisisi sa bandang huli. Sa katunayan, ang mga sandaling ito na puno ng matinding emosyon ay maaaring magbigay sa iyo ng kaaliwan sa hinaharap. Napatunayan mong isa kang tunay na kaibigan “kapag may kabagabagan.”​—Kawikaan 17:17.

[Blurb sa pahina 27]

Kung pagtutuunan mo ng pansin ang pasyente at hindi ang kaniyang sakit, makikinabang ka at ang mahal mo sa buhay

[Kahon/Larawan sa pahina 29]

Isang Paraan ng Paggalang sa Dignidad ng Pasyente

Sa maraming bansa, sinisikap kilalanin ang karapatan ng isang pasyenteng may taning na ang buhay na mamatay nang payapa at may dignidad. Ang nasusulat na patiunang mga tagubilin ay nagsisilbing praktikal na pantulong para igalang ang mga karapatang ito at pahintulutan ang mga pasyente na mamatay sa bahay o sa ospital.

Mga maitutulong ng patiunang tagubilin:

• Nakatutulong sa pag-uusap ng mga doktor at ng mga kamag-anak

• Hindi na ang pamilya ang babalikat sa paggawa ng desisyon

• Nababawasan ang posibilidad na sumubok pa ng mga paggamot na labag sa kalooban ng pasyente, walang-saysay, agresibo, at mamahalin

Para maging mabisa ang patiunang tagubilin, dapat na kasama rito ang sumusunod na mga impormasyon:

• Ang pangalan ng iyong kinatawan na magdedesisyon sa paraan ng paggamot sa iyo

• Mga paggamot na pahihintulutan o tatanggihan mo sakaling hindi na bubuti ang iyong kondisyon

• Kung posible, ang pangalan ng doktor na may kabatiran sa iyong mga pasiya

[Larawan sa pahina 26]

Pagtuunan ng pansin ang buhay ng pasyente noong malakas pa siya at hindi lamang ang kasalukuyang kondisyon niya