Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Hanggang Kailan Ako Hihingi ng Tulong?”

“Hanggang Kailan Ako Hihingi ng Tulong?”

“Hanggang Kailan Ako Hihingi ng Tulong?”

“Sana mawala na ang kirot na ito!” ang pagtangis ni Jayne. May kanser siya, at kumakalat na ito sa kaniyang katawan. Kung may magagawa lamang sana ang kaniyang pamilya at mga kaibigan para mawala na ang kaniyang sakit at paghihirap! Nanalangin sila sa Diyos na tulungan siya. Makikinig kaya ang Diyos? Nagmamalasakit ba siya?

BATID ng Diyos ang kalagayan ng sangkatauhan. Sinasabi ng kaniyang Salita, ang Bibliya: “Ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama.” (Roma 8:22) Alam ng Diyos na milyun-milyong tao, gaya ni Jayne, ang nagdurusa araw-araw. Nakikita ng Diyos ang 800 milyong natutulog nang gutom, ang milyong iba pa na dumaranas ng karahasan sa loob ng pamilya, at ang maraming magulang na nag-aalala sa kinabukasan at kapakanan ng kanilang mga anak. May gagawin kaya ang Diyos upang lutasin ang mga problemang ito? Yamang gusto nating tulungan ang ating mga mahal sa buhay, tiyak na lalo pa nga ang Diyos na siyang lumalang sa sangkatauhan!

Hindi lamang ikaw ang nag-iisip ng ganiyan. Mga 2,600 taon na ang nakalipas, ganiyan din ang nadama ng tapat na propetang Hebreo na si Habakuk. Nagtanong siya sa Diyos: “O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng tulong, at hindi mo diringgin? Hanggang kailan ako hihingi sa iyo ng saklolo dahil sa karahasan, at hindi ka magliligtas? Bakit mo ipinakikita sa akin yaong nakasasakit, at patuloy kang tumitingin sa kabagabagan? At bakit nasa harap ko ang pananamsam at karahasan, at bakit may pag-aaway, at bakit may hidwaan?” (Habakuk 1:2, 3) Nasaksihan ni Habakuk ang nakapangingilabot na karahasan at kalupitan noong panahon niya. Ngayon, laman din ng mga balita araw-araw ang gayong karahasan na nakababagabag sa maawaing mga tao.

Binale-wala ba ng Diyos ang mga ikinababahala ni Habakuk? Hindi. Pinakinggan niya ang taimtim na mga tanong ng napipighating si Habakuk at pagkatapos ay inaliw Niya siya. Pinatibay ng Diyos na Jehova ang pananampalataya ni Habakuk at nangako na wawakasan Niya ang lahat ng pagdurusa. Maaaliw ka rin ng pangakong iyan, gaya ni Jayne at ng kaniyang pamilya. Sasagutin ng sumusunod na mga artikulo ang mga tanong na ito: Paano tayo makatitiyak na talagang nagmamalasakit sa atin ang Diyos? Paano wawakasan ng Diyos ang pagdurusa, at kailan?