Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Ang Digmaan na Bumago sa Daigdig

Ang Digmaan na Bumago sa Daigdig

Isang siglo na ang nakalipas, iniwan ng milyun-milyong kabataang lalaki ang seguridad ng kanilang tahanan at sumuong sa digmaan. Umalis silang punô ng pag-asa dahil sa pag-ibig sa bayan. “Masaya ako at tuwang-tuwa sa inaasahan kong magandang kinabukasan,” ang isinulat ng isang sundalong Amerikano noong 1914.

Pero di-nagtagal, ang kanilang pananabik ay nauwi sa kabiguan. Walang sinumang nakaisip na ang napakaraming sundalo ay maiipit sa pakikipagdigma sa Belgium at Pransiya. Tinawag ito noon ng mga tao na “Malaking Digmaan.” Ngayon, tinatawag itong unang digmaang pandaigdig.

Ang unang digmaang pandaigdig ay malaki nga kung pag-uusapan ang dami ng pinsala. Ayon sa ilang pagtantiya, 10 milyon ang namatay at 20 milyon ang nasugatan. Resulta rin ito ng malalaking pagkakamali. Hindi napahinto ng mga estadista sa Europa ang tensiyon sa pagitan ng mga bansa na lumala at naging pandaigdig na digmaan. Marahil higit sa lahat, ang “Malaking Digmaan” ay nag-iwan ng permanenteng pilat sa daigdig. Binago nito ang daigdig sa paraang nakaaapekto pa rin sa atin sa ngayon.

MGA PAGKAKAMALI NA SUMIRA SA PAGTITIWALA

Sumiklab ang unang digmaang pandaigdig dahil sa maling kalkulasyon. Walang ideya ang mga lider sa Europa na ang kanilang ginagawang mga desisyon ay magbubunga ng pandaigdig na kasakunaan noong mapayapang tag-araw ng 1914, ayon sa akdang The Fall of the Dynasties​—The Collapse of the Old Order 1905-1922.

Sa loob lamang ng ilang linggo, ang pataksil na pagpatay sa artsiduke ng Austria ay nagsadlak sa lahat ng makapangyarihang bansa sa Europa sa isang digmaan na hindi nila gusto. “Paano nangyari iyon?” ang tanong sa chancellor ng Germany ilang araw pagkatapos magsimula ang kaguluhan. “A, kung may nakakaalam lang sana,” ang malungkot na sagot niya.

Ang mga lider na gumawa ng kapaha-pahamak na mga desisyong humantong sa digmaan ay walang kaide-ideya sa mga magiging resulta nito. Pero di-nagtagal, natanto ng mga sundalong nakikipagbaka ang realidad ng digmaan. Natuklasan nilang binigo sila ng kanilang mga estadista, nilinlang sila ng kanilang mga klero, at dinaya sila ng kanilang mga heneral. Paano?

Binigo sila ng kanilang mga estadista, nilinlang sila ng kanilang mga klero, at dinaya sila ng kanilang mga heneral

Ang mga estadista ay nangako na bubuksan ng digmaan ang daan para sa isang bago at mas mabuting daigdig. Ipinahayag ng isang chancellor ng Germany: “Ipinaglalaban natin ang mga bunga ng ating mapayapang industriya, ang pamana ng mahalagang nakaraan, at ang ating kinabukasan.” Tumulong ang Pangulong Woodrow Wilson ng Amerika para mabuo ang isang popular na kasabihan na ang digmaan ay tutulong upang “gawing ligtas ang daigdig para sa demokrasya.” At sa Britanya naman, inisip ng mga tao na ito ay “isang digmaan na tatapos sa digmaan.” Nagkamali silang lahat.

Ang mga klero ay buong-pusong sumuporta sa digmaan. “Ang mga tagapag-ingat ng salita ng Diyos ang nanulsol sa mga tao na makipagdigma. Ang lubus-lubusang digmaan ay nauwi sa lubus-lubusang pagkakapootan,” ang sabi ng The Columbia History of the World. Ginatungan ng mga klero ang apoy ng pagkapoot sa halip na patayin ito. “Hindi nagawa ng mga klerigo, at karamihan sa kanila ay ayaw pumayag, na unahin ang pananampalatayang Kristiyano bago ang bansa,” ang sabi ng A History of Christianity. “Pinili ng karamihan ang mas madaling landas at ang Kristiyanismo ay itinuring na kasinghalaga ng pagkamakabayan. Ang mga sundalong Kristiyano sa lahat ng denominasyon ay hinimok na magpatayan sa ngalan ng kanilang Tagapagligtas.”

Ang mga heneral ay nangako ng mabilis at madaling tagumpay, pero hindi iyon nangyari. Di-nagtagal, ang magkalabang puwersa ay parehong talo. Naranasan ng milyun-milyong sundalo ang inilarawan ng isang istoryador bilang “marahil ang pinakamalupit at pinakamahirap na kalagayang tiniis ng tao.” Sa kabila ng matitinding pagkatalo, patuloy na ipinadadala ng mga heneral ang kanilang mga sundalo sa mga barikada ng alambreng tinik at inilalantad sila sa sunud-sunod na putok ng machine gun. Hindi nga kataka-taka na sumiklab ang mga rebelyon.

Paano naapektuhan ng unang digmaang pandaigdig ang lipunan? Sinipi ng isang akda ng kasaysayan ang sinabi ng isang beterano: “Ang digmaan . . . ay sumira sa isip at ugali ng isang henerasyon.” Oo, dahil dito, naglaho ang mga imperyo. Ang kalunus-lunos na digmaang iyon ang naging pasimula ng pinakamadugong siglo sa buong kasaysayan. Halos naging karaniwan na ang mga rebolusyon at protesta.

Bakit nabago ng digmaan ang daigdig? Isa lamang ba itong napakalaking aksidente? May isinisiwalat ba ang mga sagot tungkol sa ating kinabukasan?