Pumunta sa nilalaman

Sabihin Mo sa Kanila na Mahal Mo Sila

Sabihin Mo sa Kanila na Mahal Mo Sila

 Si Ong-Li ay isang Saksi ni Jehova sa Bulgaria. Isa sa mga Bible study niya si Zlatka, pero hindi nakikipag-aral ang mister nito. Sinabi ni Ong-Li: “Nang tinalakay namin ang tungkol sa pamilya, idiniin ko na mahalagang sabihin natin sa asawa at mga anak natin na mahal natin sila. Tumingin siya sa akin at malungkot niyang sinabi na kahit kailan, hindi niya nasabi sa mister niya at sa nuwebe-anyos niyang anak na mahal niya sila!”

 Sinabi ni Zlatka, “Handa akong gawin ang lahat para sa kanila, pero hindi ko lang iyon kayang sabihin.” Idinagdag niya, “Hindi kailanman sinabi sa akin ni Inay na mahal niya ako, at kahit kailan, hindi rin sinabi ni Lola na mahal niya si Inay.” Ipinakita ni Ong-Li kay Zlatka na sinabi ni Jehova na mahal niya si Jesus. (Mateo 3:17) Pinayuhan niya si Zlatka na ipanalangin iyon kay Jehova at sikaping sabihin sa mister at anak niya na mahal niya sila.

 Sinabi ni Ong-Li: “Makalipas ang dalawang araw, masayang ikinuwento ni Zlatka na ipinanalangin niya iyon kay Jehova. Nang dumating ang mister niya, ikinuwento niya na natutuhan niya sa Bibliya na napakahalagang irespeto at mahalin ang asawa. Pagkatapos, sinabi niyang mahal na mahal niya ang mister niya! Pagkauwi ng anak nila, niyakap siya ni Zlatka at sinabing mahal niya siya! Sinabi ni Zlatka sa akin: ‘Ang gaan ng pakiramdam ko. Napakatagal kong itinago ang damdaming ito, pero sa tulong ni Jehova, naipadama ko rin sa pamilya ko na mahal ko sila.’

Inaalok ni Ong-Li ang mga kapitbahay niya na mag-aral din ng Bibliya

 “Pagkaraan ng isang linggo,” sinabi ni Ong-Li, “nakilala ko ang mister ni Zlatka, at ang sabi niya: ‘Marami ang nagsabi sa akin na patigilin ko si Zlatka sa pakikipag-aral niya ng Bibliya sa iyo, pero talagang napakalaki ng naitulong ng pagba-Bible study niya sa pamilya namin. Mas masaya na ang pamilya namin at mas malapít na kami sa isa’t isa.’”