Liham sa mga Taga-Colosas 1:1-29

1  Akong si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos, at si Timoteo+ na ating kapatid ay nagpapadala ng sulat na ito  sa mga banal at sa tapat na mga kapatid sa Colosas na kaisa ni Kristo: Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama.  Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos, na Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kapag ipinapanalangin namin kayo,  dahil nabalitaan namin ang pananampalataya ninyo kay Kristo Jesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng banal  dahil sa pag-asang nakalaan sa inyo sa langit.+ Narinig ninyo noon ang tungkol sa pag-asang ito nang ang mensahe ng katotohanan ng mabuting balita+  ay makarating sa inyo. Kung paanong namumunga at lumalaganap sa buong sanlibutan ang mabuting balita,+ iyan din ang nangyayari sa gitna ninyo mula nang araw na marinig ninyo at maranasan kung ano talaga ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.  Natutuhan ninyo iyan kay Epafras+ na minamahal nating kapuwa alipin, isang tapat na lingkod ng Kristo na kahalili namin.  Siya rin ang nagsabi sa amin ng tungkol sa inyong makadiyos na pag-ibig.  Kaya mula nang araw na marinig namin iyon, lagi na namin kayong ipinapanalangin at hinihiling namin na mapuno kayo ng tumpak na kaalaman+ tungkol sa kaniyang kalooban, taglay ang lahat ng karunungan at ang kakayahang umunawa mula sa espiritu,+ 10  para makapamuhay kayo nang karapat-dapat sa harap ni Jehova+ at sa gayon ay lubusan ninyo siyang mapalugdan habang namumunga kayo dahil sa inyong mabubuting gawa at lumalago ang inyong tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos;+ 11  at mapalakas sana kayo ng maluwalhating kapangyarihan ng Diyos+ para maging mapagpasensiya kayo at masaya habang tinitiis* ang lahat ng bagay,+ 12  habang pinasasalamatan ninyo ang Ama, na tumulong sa inyo na maging kuwalipikadong magkaroon ng bahagi sa mana ng mga banal+ na nasa liwanag. 13  Iniligtas niya tayo mula sa awtoridad ng kadiliman+ at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang mahal na Anak, 14  na nagsilbing pantubos para mapalaya tayo—para mapatawad ang mga kasalanan natin.+ 15  Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos,+ ang panganay sa lahat ng nilalang;+ 16  dahil sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at di-nakikita,+ mga trono man, pamamahala, gobyerno, o awtoridad. Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya+ at para sa kaniya. 17  Gayundin, siya ang nauna sa lahat ng iba pang bagay,+ at sa pamamagitan niya, ang lahat ng iba pang bagay ay nilikha, 18  at siya ang ulo ng katawan, ang kongregasyon.+ Siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay,+ nang sa gayon ay maging una siya sa lahat ng bagay; 19  dahil gusto ng Diyos na maging ganap* ang lahat ng bagay sa kaniya.+ 20  Sa pamamagitan din niya, ipinagkasundo ng Diyos sa Kaniyang sarili ang lahat ng iba pang bagay,+ sa lupa man o sa langit; naging posible ito dahil sa dugo+ na ibinuhos niya sa pahirapang tulos. 21  Oo, kayo, na malayo noon sa Diyos at mga kaaway niya+ dahil nakatuon ang isip ninyo sa masasamang gawa, 22  ay ipinakipagkasundo niya sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng kamatayan ng isang iyon+ na naghandog ng pisikal na katawan nito, para kayo ay maging banal, walang dungis, at malaya sa anumang akusasyon sa harap niya.+ 23  Pero siyempre, kailangan ninyong patuloy na mamuhay kaayon ng inyong pananampalataya,+ na nakatayong matatag+ sa pundasyon,+ hindi naililihis sa pag-asa na mula sa mabuting balitang iyon na narinig ninyo at ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa buong lupa.+ Akong si Pablo ay naging lingkod* ng mabuting balitang iyon.+ 24  Nagsasaya ako ngayon sa mga paghihirap ko para sa inyo,+ at nagdurusa akong gaya ni Kristo, pero kulang pa ang pagdurusa ko para sa kaniyang katawan,+ ang kongregasyon.+ 25  Ako ay naging lingkod ng kongregasyong ito dahil sa responsibilidad+ na ibinigay sa akin ng Diyos para sa inyong kapakanan, ang lubusang pangangaral ng salita ng Diyos, 26  ang sagradong lihim+ na hindi ipinaalám sa nakalipas na mga sistema+ at henerasyon. Pero isiniwalat ito ngayon sa mga banal;+ 27  gusto ng Diyos na ipaalám sa mga banal mula sa ibang mga bansa ang maluwalhating kayamanang ito, ang sagradong lihim+—na si Kristo ay kaisa ninyo, na nangangahulugang may pag-asa kayong makabahagi sa kaluwalhatian niya.+ 28  Siya ang inihahayag natin sa lahat ng tao, at pinaaalalahanan at tinuturuan natin sila taglay ang malawak na karunungan para maiharap natin ang bawat tao bilang maygulang na kaisa ni Kristo.+ 29  Dahil diyan, ibinibigay ko ang buo kong makakaya at nagsisikap ako nang husto, sa tulong ng lakas na ibinibigay niya sa akin.+

Talababa

O “binabata.”
O “kumpleto.”
O “ministro.”

Study Notes

Unang Liham sa mga Taga-Corinto: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga liham. Ipinapakita ng papirong codex na tinatawag na P46 na gumagamit noon ang mga eskriba ng pamagat para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya. Ang codex na ito ang pinakamatandang natagpuang koleksiyon ng mga liham ni Pablo, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Mababasa rito ang siyam sa mga liham niya. Sa simula ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, makikita sa codex na ito ang pamagat na Pros Ko·rinʹthi·ous A (“Para sa mga Taga-Corinto 1”). (Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”) May ganito ring pamagat ang iba pang sinaunang manuskrito, gaya ng Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo C.E. Sa mga manuskritong ito, lumitaw ang pamagat sa simula at sa katapusan ng liham.

Liham sa mga Taga-Colosas: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat.—Tingnan ang study note sa 1Co Pamagat.

Akong si Pablo . . . at si Timoteo na ating kapatid: Si Pablo ang sumulat ng liham na ito sa mga taga-Colosas, pero isinama niya si Timoteo sa panimulang pagbati niya. Kasama ni Pablo si Timoteo sa Roma nang isulat niya ang liham na ito noong una siyang mabilanggo doon mga 59-61 C.E. Tinawag ni Pablo si Timoteo na “kapatid” para ipakitang magkapatid sila sa espirituwal. Lumilitaw na nabilanggo rin si Timoteo sa Roma nang mga panahong ito.—Fil 2:19; Heb 13:23.

isang apostol ni Kristo Jesus: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.

apostol: Ang pangngalang Griego na a·poʹsto·los ay mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na nangangahulugang “isugo.” (Mat 10:5; Luc 11:49; 14:32) Ang pangunahing kahulugan nito ay malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus sa Ju 13:16, kung saan isinalin itong “ang isinugo.” Si Pablo ay tinawag para maging apostol sa mga bansa, o sa mga di-Judio; ang binuhay-muling si Jesu-Kristo mismo ang pumili sa kaniya. (Gaw 9:1-22; 22:6-21; 26:12-23) Pinagtibay ni Pablo ang pagiging apostol niya nang sabihin niyang nakita niya ang binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo (1Co 9:1, 2) at nang gumawa siya ng mga himala (2Co 12:12). Naging daan din si Pablo para mabigyan ng banal na espiritu ang mga bautisadong mánanampalatayá, na karagdagang patunay na isa siyang tunay na apostol. (Gaw 19:5, 6) Madalas niyang mabanggit na apostol siya, pero wala tayong mababasa na sinabi niyang isa siya sa “12 apostol.”​—1Co 15:5, 8-10; Ro 11:13; Gal 2:6-9; 2Ti 1:1, 11.

banal: Madalas na tukuyin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mga espirituwal na kapatid ni Kristo sa mga kongregasyon bilang mga “banal.” (Gaw 9:13, tlb.; 26:10, tlb.; Ro 12:13, tlb.; 2Co 1:1; 13:13) Ang terminong ito ay tumutukoy sa mga nagkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng bagong tipan na nagkabisa dahil sa “dugo para sa walang-hanggang tipan,” ang dugo ni Jesus. (Heb 10:29; 13:20) Kaya sila ay nilinis ng Diyos at itinuring niyang “banal.” Sa mata ni Jehova, naging banal sila, hindi pagkamatay nila, kundi nang simulan nila ang kanilang malinis na pamumuhay sa lupa. Kaya walang basehan sa Bibliya para ideklara ng isang indibidwal o organisasyon ang isang tao na “banal,” o “santo,” ayon sa salin ng ibang Bibliya. Sinasabi ni Pedro na dapat silang maging “banal” dahil ang Diyos ay banal. (1Pe 1:15, 16; Lev 20:7, 26) Ang terminong “banal” ay tumutukoy sa lahat ng naging kaisa ni Kristo at kasama niyang tagapagmana. Mahigit limang siglo bago tawaging “banal” ang mga tagasunod ni Kristo, isiniwalat na ng Diyos na ang “mga banal ng Kadaki-dakilaan” ay mamamahala sa Kaharian kasama ni Kristo.​—Dan 7:13, 14, 18, 27.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Ginamit ni Pablo ang pagbating ito sa 11 liham niya. (1Co 1:3; 2Co 1:2; Gal 1:3; Efe 1:2; Fil 1:2; Col 1:2; 1Te 1:1; 2Te 1:2; Tit 1:4; Flm 3) Halos ganito rin ang pagbati niya sa mga liham niya kay Timoteo, pero idinagdag niya ang katangiang “awa.” (1Ti 1:2; 2Ti 1:2) Napansin ng mga iskolar na sa halip na gamitin ni Pablo ang karaniwang salita para sa pagbati (khaiʹrein), madalas niyang gamitin ang katunog na terminong Griego (khaʹris) para ipakita ang kagustuhan niyang lubos na matanggap ng mga kongregasyon ang “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.) Ang pagbanggit niya ng “kapayapaan” ay kahawig ng isang karaniwang Hebreong pagbati, sha·lohmʹ. (Tingnan ang study note sa Mar 5:34.) Sa paggamit ng “walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan,” maliwanag na idiniriin ni Pablo ang naibalik na kaugnayan ng mga Kristiyano sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pantubos. Nang sabihin ni Pablo kung kanino galing ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan, binanggit niya nang magkahiwalay ang Diyos na ating Ama at ang Panginoong Jesu-Kristo.

mga banal: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

Colosas: Lunsod na nasa timog-kanluran ng Asia Minor na bahagi ng Romanong lalawigan na Asia noong panahon ni Pablo. (Tingnan sa Glosari, “Asia”; Ap. B13.) Maganda ang lokasyon nito sa lambak ng Ilog Lycus dahil daanan ito ng mga mangangalakal sa mga lunsod sa Baybaying Aegean at mga lunsod sa silangan. Pagsapit ng unang siglo C.E., naging mayaman na rin ang katabi nitong lunsod na Laodicea at Hierapolis. Patuloy na naging kilalá ang Colosas dahil sa produkto nitong tela, partikular na ang magandang klase ng lana na tinina sa colossinus, ang tawag sa tinang kulay-ube na mamula-mula. Ang mga guho ng lunsod na ito, na mga 4 km (2.5 mi) ang layo sa bayan ng Turkey na Honaz, ay hindi pa nahuhukay ng mga arkeologo.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos . . . kapag ipinapanalangin namin kayo: O posibleng “Pinasasalamatan namin ang Diyos . . . at lagi namin kayong ipinapanalangin.” May mga Bibliya na idinugtong ang “lagi” sa “pinasasalamatan ang Diyos,” pero idinugtong naman ito ng ibang Bibliya sa “ipinapanalangin.” Parehong posible ang unawang ito batay sa tekstong Griego.

lingkod: Kadalasan nang ginagamit ng Bibliya ang salitang Griego na di·aʹko·nos para tumukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. (Tingnan ang study note sa Mat 20:26.) Sa Ro 15:8, ginamit ang termino para tumukoy kay Jesus. (Tingnan ang study note.) Sa talatang ito (1Co 3:5), sinabi ni Pablo na siya at si Apolos ay mga lingkod na tumulong sa mga taga-Corinto na maging mánanampalatayá. Kasama sa paglilingkod nila, gayundin ng lahat ng iba pang bautisadong Kristiyano, ang pagsapat sa espirituwal na pangangailangan ng ibang tao.—Luc 4:16-21.

lingkod: O “ministro.” Kadalasan nang ginagamit ng Bibliya ang salitang Griego na di·aʹko·nos para tumukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. Ginamit ang termino para tumukoy kay Kristo (Ro 15:8), sa mga lingkod ni Kristo (1Co 3:5-7; Col 1:23), mga ministeryal na lingkod (Fil 1:1; 1Ti 3:8), mga alipin sa sambahayan (Ju 2:5, 9), at mga opisyal ng pamahalaan (Ro 13:4).

Epafras: Isang tapat na lingkod sa Colosas na dumalaw kay apostol Pablo sa Roma noong una siyang mabilanggo doon. Lumilitaw na hindi pa nakarating si Pablo sa Colosas nang isulat niya ang liham na ito (Col 2:1) at na malaki ang papel ni Epafras para maitatag ang kongregasyon doon (Col 1:6-8; 4:12, 13). Ang pangalang Epafras ay pinaikling anyo ng Epafrodito. Pero hindi siya si Epafrodito na taga-Filipos. (Fil 2:25) Si Epafras na taga-Colosas ay binanggit din sa Flm 23.

lingkod: O “ministro.” Tingnan ang study note sa Mat 20:26; 1Co 3:5.

makadiyos na pag-ibig: Inilalarawan ng ekspresyong ito ang uri ng pag-ibig na ipinapakita ng mga Kristiyanong taga-Colosas. Ang pag-ibig na ito ay di-makasarili at ginagabayan ng mga pamantayan ng Diyos. Bunga rin ito ng espiritu na naipapakita ng mga taong nagpapagabay dito.—Gal 5:22.

tumpak na kaalaman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may dalawang salita na karaniwang isinasaling “kaalaman,” ang gnoʹsis at e·piʹgno·sis. Ang salitang ginamit dito, e·piʹgno·sis, ay pinatinding anyo ng gnoʹsis (e·piʹ, literal na nangangahulugang “sa ibabaw” pero nangangahulugan ditong “karagdagan”). Puwede itong mangahulugang “eksakto, totoo, o lubos na kaalaman,” depende sa konteksto. (Tingnan ang study note sa Ro 10:2.) Dito, ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipakitang kailangan ng isang may-gulang na Kristiyano na maging kaisa ng mga kapananampalataya niya habang sinisikap niyang magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos, si Kristo Jesus.—1Co 1:24, 30; Efe 3:18; Col 2:2, 3; 2Pe 1:8; 2:20.

tumpak na kaalaman: Sa kontekstong ito, dalawang beses na lumitaw ang “tumpak na kaalaman,” dito at sa sumunod na talata. Ipinanalangin ni Pablo na mapuno ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kaniyang kalooban ang mga Kristiyano sa Colosas.—Para sa paliwanag sa terminong Griego na isinaling “tumpak na kaalaman,” tingnan ang study note sa Efe 4:13.

kakayahang umunawa mula sa espiritu: Tumutukoy sa kakayahang umunawa ng espirituwal na mga bagay sa tulong ng espiritu ng Diyos. Kasama dito ang “tumpak na kaalaman tungkol sa . . . kalooban” ng Diyos. Kapag may ganitong kakayahan ang isang tao, nakikita niya ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova.

para makapamuhay kayo nang karapat-dapat sa harap ni Jehova: Sa orihinal na teksto, ginamit ang ekspresyong “makalakad” para tumukoy sa pagkilos o paraan ng pamumuhay ng isang tao. Maraming beses na ginamit ni Pablo ang ekspresyong “lumakad” sa makasagisag na diwa. (Gal 5:16; Col 2:6; 4:5) Sinasabi ng isang reperensiya na sa ganitong konteksto, tumutukoy ang ekspresyong ito sa “paglakad sa isang landasin ng buhay.” Ginagamit din sa ganitong diwa ang ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan. Ang isang halimbawa ay makikita sa 2Ha 20:3, kung saan sinabi ni Haring Hezekias: “Nakikiusap ako sa iyo, O Jehova, alalahanin mong lumakad ako sa harap mo nang may katapatan.” Kaya ang pamumuhay nang karapat-dapat sa harap ni Jehova ay nangangahulugang pamumuhay sa paraang nagpaparangal sa pangalan niya at kaayon ng matuwid na mga pamantayan niya. Gumamit din ng ganiyang pananalita si Pablo sa 1Te 2:12.—Para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Col 1:10.

makapaglilipat ako ng mga bundok: Lumilitaw na gumamit si Pablo ng isang idyoma noon na nangangahulugang “gawing posible ang isang bagay na imposible.”—Ihambing ang Mar 11:23, kung saan ginamit ang kahawig na ekspresyon may kaugnayan sa pananampalataya.

para manaig ang kadiliman: O “para sa kapangyarihan ng kadiliman,” ibig sabihin, para sa mga nasa espirituwal na kadiliman. (Ihambing ang Col 1:13.) Sa Gaw 26:18, binanggit ang kadiliman kasama ng “awtoridad ni Satanas.” Ginamit ni Satanas ang awtoridad niya para impluwensiyahan ang mga tao na isagawa ang kaniyang maitim na balak na ipapatay si Jesus. Halimbawa, sinasabi sa Luc 22:3 na “pumasok si Satanas kay Hudas, ang tinatawag na Iscariote,” na nagtraidor kay Jesus.​—Gen 3:15; Ju 13:27-30.

awtoridad ng kadiliman: O “kapangyarihan ng kadiliman.” Binanggit din ni Jesus ang tungkol sa ganitong “kadiliman” na umimpluwensiya sa mga kaaway niya noong gabing inaresto siya bago siya patayin. (Tingnan ang study note sa Luc 22:53.) Tinutukoy dito ni Pablo ang espirituwal na kadilimang bumabalot sa sistema na kontrolado ni Satanas.—Efe 4:18; 6:12; ihambing ang 2Co 4:4 at study note.

inilipat: Dito, sinabi ni Pablo na ang mga Kristiyano ay iniligtas mula sa espirituwal na kadiliman tungo sa mas mabuting kalagayan. Ito rin ang salitang Griego na ginamit niya sa ekspresyong “makapaglilipat . . . ng mga bundok.” (1Co 13:2 at study note.) Ginagamit din ng sekular na mga manunulat noon ang salitang Griegong ito para tukuyin ang paglilipat ng lahat ng mamamayan sa isang lugar papunta sa ibang lupain. Ipinaalala ni Pablo sa mga Kristiyano sa Colosas na malaking pagpapala na mailigtas mula sa madilim na sanlibutang ito ni Satanas at mailipat sa isang di-hamak na mas mabuting kaharian.

kaharian ng kaniyang mahal na Anak: Ang kahariang tinutukoy dito ni Pablo ay nakatatag na noong panahong iyon, dahil sinasabi ng talata na nailipat na dito ang mga Kristiyano. Kaya iba ang kahariang ito sa Mesiyanikong Kaharian sa langit, na sinasabi ng Bibliya na hindi pa itatatag sa panahon ni Pablo kundi pagkalipas pa ng mahabang panahon. (1Co 6:9, 10; Efe 5:5 at study note; 2Pe 1:10, 11; Apo 11:15; 12:10; ihambing ang Luc 19:11, 12, 15.) Kaya ang tinutukoy dito ni Pablo ay isang “kaharian” na binubuo ng pinahirang mga Kristiyano na may pag-asang maghari sa Kaharian sa langit. (San 2:5) Naging Hari, o Tagapamahala, sa kahariang iyon si Kristo noong Pentecostes 33 C.E. Mananatili ang kahariang iyon sa lupa hanggang sa umakyat na sa langit ang kahuli-hulihang pinahiran. Kapag tinanggap na ng mga Kristiyanong ipinanganak sa pamamagitan ng espiritu ang gantimpala nila sa langit, hindi na sila sakop ng espirituwal na kahariang ito ni Kristo, kundi maghahari na sila kasama niya sa langit.—Apo 5:9, 10.

diyos ng sistemang ito: Si Satanas ang “diyos” na tinutukoy dito, dahil gaya ng makikita sa teksto, ‘binulag niya ang isip ng mga di-sumasampalataya.’ Tinawag ni Jesus si Satanas na “tagapamahala ng mundong ito” at sinabi na “palalayasin” siya. (Ju 12:31) Ang sinabi ni Jesus at ang tawag kay Satanas na “diyos ng sistemang ito [o, “ng panahong ito”]” ay nagpapakitang pansamantala lang ang posisyon niya.—Ihambing ang Apo 12:12.

Kaharian ng Kristo at ng Diyos: Sinasabi dito ni Pablo na parehong namamahala ang Diyos at si Kristo sa Kaharian. Si Jehova ang Kataas-taasang Tagapamahala sa buong uniberso dahil siya ang Diyos at Maylalang. (Aw 103:19; Isa 33:22; Gaw 4:24) Hindi mapapalitan si Jehova bilang Hari. (Aw 145:13) Pero kung minsan, binibigyan niya ang iba ng awtoridad at kapangyarihan. Binigyan ng Diyos ang Anak niyang si Kristo Jesus ng “awtoridad na mamahala, ng karangalan, at ng isang kaharian” para magawa ang kalooban Niya. (Dan 7:13, 14) Ang malaking kapangyarihan ni Kristo bilang Hari ay galing mismo sa Diyos na Jehova. (Mat 28:18) Kahit na ang lahat sa uniberso ay sakop ng pamamahala ng Kristo, mananatili siyang sakop ng kaniyang Ama at Diyos.—1Co 15:27, 28; Efe 1:20-22.

Siya . . . ang panganay mula sa mga patay: May mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga taong binuhay-muli bago si Jesus, pero siya ang unang binuhay-muli na hindi na kailanman mamamatay. Binuhay siyang muli “bilang espiritu” (1Pe 3:18), at binigyan siya ng posisyon na mas mataas sa posisyon niya dati bago siya bumaba sa lupa. Ginawa siyang imortal at binigyan ng katawang hindi masisira, na ibang-iba sa katawan ng tao na may laman at dugo. “Itinaas [si Jesus] nang higit pa sa langit,” at sa buong uniberso, pumapangalawa siya sa Diyos na Jehova. (Heb 7:26; 1Co 15:27; Fil 2:9-11) Ang Diyos na Jehova mismo ang bumuhay muli sa kaniya!—Gaw 3:15; 5:30; Ro 4:24; 10:9.

ang panganay sa lahat ng nilalang: Ibig sabihin, ang unang nilalang ng Diyos na Jehova. Ang pito sa walong beses na paglitaw ng terminong Griego para sa “panganay” (pro·toʹto·kos) sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tumutukoy kay Jesus. Sa Kasulatan, ang terminong “panganay” ay kadalasan nang tumutukoy sa pinakaunang anak. Dahil si Jesus ang “panganay” na anak ni Maria, dinala siya sa templo bilang pagsunod sa Kautusan ni Jehova. (Luc 2:7, 22, 23; Mat 1:25) Sa Col 1:18 (tingnan ang study note), ito rin ang salitang Griego na ginamit para kay Jesus, “ang panganay mula sa mga patay,” ibig sabihin, ang unang binuhay-muli. (Ihambing ang Ro 8:29.) Sa Hebreong Kasulatan, ang ekspresyong “panganay” ay kadalasan nang nangangahulugan ding “pinakamatandang anak na lalaki ng isang ama.” Sa Septuagint, lumitaw din ang salitang Griego na ito sa Gen 49:3, kung saan sinabi ni Jacob: “Ruben, ikaw ang panganay ko.” (Tingnan sa Glosari, “Panganay.”) Sinasabi ng mga naniniwalang hindi nilalang si Jesus na ang “panganay” dito ay tumutukoy sa ranggo at hindi sa pagiging nilalang, kaya isinalin nila ang pariralang ito na “ang panganay na namamahala sa lahat ng nilalang.” Kahit totoo namang nakahihigit si Jesus sa lahat ng nilalang, walang basehan ang paniniwala na ang “panganay” dito ay may ibang kahulugan. Sa Apo 3:14, tinawag si Jesus na “pasimula ng paglalang ng Diyos,” na nagpapakitang “ang panganay sa lahat ng nilalang” sa talatang ito ay tumutukoy sa pagiging pinakaunang nilalang ng Diyos.

kaisa-isang anak: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Ang terminong ito ay ginagamit sa Bibliya para ilarawan ang kaugnayan ng anak na lalaki o babae sa mga magulang niya. (Tingnan ang study note sa Luc 7:12; 8:42; 9:38.) Sa mga isinulat ni apostol Juan, kay Jesus lang niya ginamit ang terminong ito (Ju 3:16, 18; 1Ju 4:9), pero hindi niya tinutukoy ang kapanganakan o pagiging tao ni Jesus. Kapag ginagamit ito ni Juan, ang tinutukoy niya ay ang pag-iral ni Jesus bago siya maging tao bilang Logos, o ang Salita, na “sa simula pa lang” ay kasama na ng Diyos “bago pa umiral ang sanlibutan.” (Ju 1:1, 2; 17:5, 24) Si Jesus ang “kaisa-isang anak” dahil siya ang Panganay ni Jehova at ang kaisa-isang direktang nilalang ng Diyos. Tinatawag ding “anak ng tunay na Diyos” o “anak ng Diyos” ang iba pang espiritung nilalang (Gen 6:2, 4; Job 1:6; 2:1; 38:4-7), pero ang lahat ng mga anak na iyon ay nilalang ni Jehova sa pamamagitan ng panganay na Anak (Col 1:15, 16). Kaya ang terminong mo·no·ge·nesʹ ay tumutukoy sa pagiging natatangi ni Jesus at nag-iisa sa kaniyang uri at sa pagiging kaisa-isang anak na direktang nilalang ng Diyos nang walang katulong.​—1Ju 5:18; tingnan ang study note sa Heb 11:17.

ang panganay sa lahat ng nilalang: Ibig sabihin, ang unang nilalang ng Diyos na Jehova. Ang pito sa walong beses na paglitaw ng terminong Griego para sa “panganay” (pro·toʹto·kos) sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tumutukoy kay Jesus. Sa Kasulatan, ang terminong “panganay” ay kadalasan nang tumutukoy sa pinakaunang anak. Dahil si Jesus ang “panganay” na anak ni Maria, dinala siya sa templo bilang pagsunod sa Kautusan ni Jehova. (Luc 2:7, 22, 23; Mat 1:25) Sa Col 1:18 (tingnan ang study note), ito rin ang salitang Griego na ginamit para kay Jesus, “ang panganay mula sa mga patay,” ibig sabihin, ang unang binuhay-muli. (Ihambing ang Ro 8:29.) Sa Hebreong Kasulatan, ang ekspresyong “panganay” ay kadalasan nang nangangahulugan ding “pinakamatandang anak na lalaki ng isang ama.” Sa Septuagint, lumitaw din ang salitang Griego na ito sa Gen 49:3, kung saan sinabi ni Jacob: “Ruben, ikaw ang panganay ko.” (Tingnan sa Glosari, “Panganay.”) Sinasabi ng mga naniniwalang hindi nilalang si Jesus na ang “panganay” dito ay tumutukoy sa ranggo at hindi sa pagiging nilalang, kaya isinalin nila ang pariralang ito na “ang panganay na namamahala sa lahat ng nilalang.” Kahit totoo namang nakahihigit si Jesus sa lahat ng nilalang, walang basehan ang paniniwala na ang “panganay” dito ay may ibang kahulugan. Sa Apo 3:14, tinawag si Jesus na “pasimula ng paglalang ng Diyos,” na nagpapakitang “ang panganay sa lahat ng nilalang” sa talatang ito ay tumutukoy sa pagiging pinakaunang nilalang ng Diyos.

iba pang pangalan: Sa literal na salin ng pananalitang Griego na ito (“bawat pangalan,” Kingdom Interlinear), na ginamit sa maraming Bibliya, para bang nakahihigit ang pangalan ni Jesus sa pangalan ng Diyos. Pero hindi iyan kaayon ng konteksto, dahil sinabi ni Pablo na ‘ang Diyos ang nagbigay kay Jesus ng isang nakatataas na posisyon at ng pangalang ito.’ Isa pa, ang salitang Griego para sa “bawat (lahat)” ay puwede ring isalin sa ilang konteksto na “lahat ng iba pa.” Ang ilang halimbawa ay nasa Luc 13:2; 21:29; Fil 2:21. Kaya ang konteksto at ang pagkakagamit ng salitang Griegong ito sa ibang bahagi ng Bibliya ay sumusuporta sa saling ‘iba pa.’ Sinasabi dito ni Pablo na ang pangalan ni Jesus ay nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan—hindi kasama diyan ang kay Jehova, na siyang nagbigay kay Jesus ng pangalan.—Tingnan din ang 1Co 15:28.

sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng iba pang bagay: Ginamit ng Diyos ang “kaniyang mahal na Anak” (Col 1:13) sa paglalang ng mga bagay “sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at di-nakikita.” Kasama dito ang milyon-milyong iba pang espiritung anak ng Diyos na Jehova sa langit, pati na ang uniberso. (Gen 1:1; Dan 7:9, 10; Ju 1:3; Apo 5:11) Si Jesus ang panganay na Anak ni Jehova, at siya lang ang nilalang ng Diyos nang walang katulong. (Heb 1:6; tingnan ang study note sa Ju 1:14 at Col 1:15.) Kaya makatuwirang isipin na ang panganay na Anak na ito ang kausap ni Jehova nang sabihin niya: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.”—Gen 1:26.

lahat ng iba pang bagay: Ang literal na salin ng tekstong Griego ay “lahat ng bagay.” (Ihambing ang Kingdom Interlinear.) Pero sa ganitong salin, para bang hindi kasama si Jesus sa mga nilalang, kundi siya mismo ang Maylalang. At hindi iyan kaayon ng iba pang bahagi ng Bibliya, kasama na ang naunang talata, kung saan tinawag si Jesus na “panganay sa lahat ng nilalang.” (Col 1:15; ihambing ang Apo 3:14, kung saan tinawag si Jesus na “pasimula ng paglalang ng Diyos.”) Isa pa, ang salitang Griego para sa “lahat” ay puwede ring isalin sa ilang konteksto na “lahat ng iba pa.” Ang ilang halimbawa ay nasa Luc 13:2; 21:29; Fil 2:21. Kaayon ito ng makakasulatang turo ni Pablo sa 1Co 15:27: “‘Inilagay ng Diyos ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa [ni Kristo].’ Pero nang sabihing ‘ang lahat ng bagay ay napasailalim,’ malinaw na hindi kasama rito ang Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay.” Kaya batay sa turo ng Bibliya at sa malinaw na kahulugan ng salitang Griegong ginamit, masasabing tama ang salin na “lahat ng iba pang bagay.”—Ihambing ang study note sa Fil 2:9.

mga trono man, pamamahala, gobyerno, o awtoridad: Dito, ipinapakita ni Pablo na may administrasyon si Jehova sa langit at may mga gumaganap sa mga posisyon doon. May mga posisyon ang mga taong lingkod ng Diyos, at gaya ng ipinapakita sa talatang ito, may mga posisyon din ang perpektong mga espiritung nilalang. (Ezr 10:15-17; Isa 6:2; 1Co 6:3; Efe 3:10; Heb 13:17; Jud 8, 9) Hindi lang basta hinayaan ni Jehova na magkaroon ng ganitong mga posisyon; nilalang, o nilikha, niya ang mga ito. Siya ang gumawa ng mga kaayusang ito, at katulong niya ang kaniyang Anak. Ang mga posisyong binanggit sa talatang ito ay “nilalang sa pamamagitan [ni Jesus] at para sa kaniya,” kaya hindi ito puwedeng tumukoy sa mga gobyerno ng tao.

nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya: Binanggit sa talatang ito na kasama ang panganay na Anak ng Diyos na si Jesus sa paglalang ng lahat ng bagay, pero hindi siya tinawag sa Bibliya na Maylalang. Sinabi sa naunang talata na siya “ang panganay sa lahat ng nilalang,” at sa Apo 3:14, tinawag siyang “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” Matapos lalangin si Jesus, naging “dalubhasang manggagawa” siya ni Jehova ayon sa Kawikaan kabanata 8, kung saan tinawag din siyang “karunungan.” (Kaw 8:1, 22, 30) Mababasa sa Kaw 8:22-31 kung paano tumulong si Jesus sa paglalang, at binanggit doon na ang dalubhasang manggagawa ni Jehova ay ‘masayang-masaya nang makita niya ang lupang titirhan ng tao, at espesyal para sa kaniya ang mga anak ng tao [o “ang sangkatauhan”].’ Ito ang kahulugan ng Col 1:16, na nagsasabi: “Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya.”

kaharian ng kaniyang mahal na Anak: Ang kahariang tinutukoy dito ni Pablo ay nakatatag na noong panahong iyon, dahil sinasabi ng talata na nailipat na dito ang mga Kristiyano. Kaya iba ang kahariang ito sa Mesiyanikong Kaharian sa langit, na sinasabi ng Bibliya na hindi pa itatatag sa panahon ni Pablo kundi pagkalipas pa ng mahabang panahon. (1Co 6:9, 10; Efe 5:5 at study note; 2Pe 1:10, 11; Apo 11:15; 12:10; ihambing ang Luc 19:11, 12, 15.) Kaya ang tinutukoy dito ni Pablo ay isang “kaharian” na binubuo ng pinahirang mga Kristiyano na may pag-asang maghari sa Kaharian sa langit. (San 2:5) Naging Hari, o Tagapamahala, sa kahariang iyon si Kristo noong Pentecostes 33 C.E. Mananatili ang kahariang iyon sa lupa hanggang sa umakyat na sa langit ang kahuli-hulihang pinahiran. Kapag tinanggap na ng mga Kristiyanong ipinanganak sa pamamagitan ng espiritu ang gantimpala nila sa langit, hindi na sila sakop ng espirituwal na kahariang ito ni Kristo, kundi maghahari na sila kasama niya sa langit.—Apo 5:9, 10.

ang ulo ng katawan, ang kongregasyon: Sa liham ni Pablo sa mga taga-Colosas at sa mga taga-Efeso, inihalintulad niya ang kongregasyong Kristiyano sa isang “katawan,” kung saan si Kristo ang ulo. (Efe 1:22, 23) Ayon sa isang reperensiya, ang metaporang ito ay “hindi lang nagpapahiwatig na kailangan ng katawan ang Ulo, kundi tinutupad din ng mga bahagi ng katawan ang kalooban ng Ulo. Sila ang mga instrumento Niya.” Si Jesus din ang ulo, o tagapamahala, ng kahariang tinawag ni Pablo na “kaharian ng . . . mahal na Anak” ng Diyos.—Col 1:13 at study note.

Siya . . . ang panganay mula sa mga patay: May mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga taong binuhay-muli bago si Jesus, pero siya ang unang binuhay-muli na hindi na kailanman mamamatay. Binuhay siyang muli “bilang espiritu” (1Pe 3:18), at binigyan siya ng posisyon na mas mataas sa posisyon niya dati bago siya bumaba sa lupa. Ginawa siyang imortal at binigyan ng katawang hindi masisira, na ibang-iba sa katawan ng tao na may laman at dugo. “Itinaas [si Jesus] nang higit pa sa langit,” at sa buong uniberso, pumapangalawa siya sa Diyos na Jehova. (Heb 7:26; 1Co 15:27; Fil 2:9-11) Ang Diyos na Jehova mismo ang bumuhay muli sa kaniya!—Gaw 3:15; 5:30; Ro 4:24; 10:9.

na maging ganap ang lahat ng bagay sa kaniya: Si Jesu-Kristo ang may pinakamahalagang papel sa katuparan ng layunin ng Diyos, at siya rin ang may pinakamahalagang posisyon sa kongregasyon. Bukod “sa dugo na ibinuhos niya sa pahirapang tulos” para maipagkasundo ang mga tao sa Diyos (Col 1:20), inilaan din ni Jesus ang lahat ng tagubilin at patnubay na kailangan ng mga Kristiyano. Nasa kaniya ang lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas, kasama na ang karunungan. Dahil perpekto ang halimbawa at mga turo niya, hindi na ito kailangang dagdagan ng mga pilosopiya at tradisyon ng tao. (Col 2:8-10) Kaya siya ang Huwaran ng mga Kristiyano, at sa kaniya lang sila nakikinig.

ipinagkasundo niya kami sa sarili niya: Kailangang makipagkasundo ng lahat ng tao sa Diyos dahil ang unang tao, si Adan, ay naging masuwayin at naipasa niya ang kasalanan at pagiging di-perpekto sa lahat ng inapo niya. (Ro 5:12) Kaya ang mga tao ay napalayo sa Diyos at naging kaaway niya, dahil labag sa pamantayan niya na kunsintihin ang mga pagkakasala. (Ro 8:7, 8) Ang mga salitang Griego para sa “makipagkasundo” at “pakikipagkasundo” ay pangunahin nang nangangahulugang “magbago; makipagpalitan,”at sa kontekstong ito, nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng malapít at magandang kaugnayan sa Diyos mula sa pagiging kaaway niya. Ipinapakita dito ni Pablo na ang Diyos ang unang kumilos para maipagkasundo sila (si Pablo, ang mga kasama niya, at ang lahat ng pinahirang Kristiyano) sa sarili niya sa pamamagitan ni Kristo, o ng haing pantubos ni Kristo. Pagkatapos, sinabi ni Pablo na ibinigay ng Diyos sa kanila “ang ministeryo ng pakikipagkasundo.”—Tingnan ang study note sa Ro 5:10.

ipinakikipagkasundo . . . ang isang sanlibutan sa sarili niya: Kailangang makipagkasundo ng lahat ng tao sa Diyos dahil ang unang tao, si Adan, ay naging masuwayin at naipasa niya ang kasalanan at pagiging di-perpekto sa lahat ng inapo niya. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:18.) Ginawa ng Diyos ang pakikipagkasundong ito sa pamamagitan ni Kristo, o ng haing pantubos ni Jesus. (Ro 5:10; 2Co 5:21; Col 1:21, 22) Inatasan ni Jehova ang mga kaisa ni Kristo na maging “mga embahador” sa masamang mundong ito at ibinigay sa kanila “ang ministeryo ng pakikipagkasundo.”—2Co 5:18, 20.

para matipon ang lahat ng bagay sa Kristo: May dalawang yugto ang pangangasiwang ito ng Diyos. Ang una ay ang pagtitipon sa mga bagay sa langit, na tumutukoy sa mga pinili para mamahalang kasama ni Kristo sa langit. (Ro 8:16, 17; Efe 1:11; 1Pe 1:4) Nagsimula ito noong Pentecostes 33 C.E. (Gaw 2:1-4) Ang ikalawa ay ang pagtitipon ng mga bagay . . . sa lupa, na tumutukoy sa mga mabubuhay sa paraisong lupa bilang mga sakop ng gobyerno sa langit.—Ju 10:16; Apo 7:9, 10; 21:3, 4.

ipinagkasundo ng Diyos sa Kaniyang sarili: Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “ipinagkasundo” ay pangunahin nang nangangahulugang “magbago; makipagpalitan.” Nang maglaon, nangangahulugan na itong “maging magkaibigan mula sa pagiging magkaaway.” Ipinaliwanag dito ni Pablo na naipagkasundo ang mga tao sa Diyos “dahil sa dugo na ibinuhos [ni Jesus] sa pahirapang tulos.” Kaya posible na ulit na magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos ang mga tao.—Tingnan ang study note sa Ro 5:10; 2Co 5:18, 19.

sa lupa man o sa langit: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga naipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng dugo na ibinuhos ni Kristo sa pahirapang tulos. Ang mga bagay “sa langit” ay ang pinahirang mga Kristiyano na pinili para mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Sila ay “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag” (Heb 3:1), at “pamamahalaan nila ang lupa bilang mga hari” at kasamang tagapagmana ni Kristo sa Kaharian ng Diyos (Apo 5:9, 10). Ang mga bagay “sa lupa” ay tumutukoy sa mga tao na naipagkasundo sa Diyos at maninirahan sa lupa bilang sakop ng Kahariang ito sa langit.—Aw 37:29; tingnan ang study note sa Efe 1:10.

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”—Tingnan sa Glosari.

naipagkasundo: Ang pandiwang Griego na ka·tal·lasʹso, na dalawang beses ginamit sa talatang ito at dalawang beses din sa 2Co 5:18, 19, ay pangunahin nang nangangahulugang “magbago; makipagpalitan.” Nang maglaon, nangangahulugan na itong “maging magkaibigan mula sa pagiging magkaaway.” Kapag ginagamit ito para sa kaugnayan ng tao sa Diyos, tumutukoy ito sa pagkakaroon ulit ng magandang kaugnayan sa kaniya. Ginamit ni Pablo ang pandiwang ito para tumukoy sa ‘pakikipagkasundo’ ng isang babae sa asawa niya pagkatapos nilang maghiwalay. (1Co 7:11) Ang kaugnay na pandiwang di·al·lasʹso·mai ay ginamit sa Mat 5:24 para sa utos ni Jesus na ‘makipagkasundo sa kapatid’ bago mag-alay ng handog sa altar. (Tingnan ang study note sa Mat 5:24.) Kailangang makipagkasundo ng mga tao sa Diyos dahil ang unang tao, si Adan, ay naging masuwayin at naipasa niya ang kasalanan at pagiging di-perpekto sa lahat ng inapo niya. Kaya ang mga tao ay napalayo sa Diyos at naging kaaway niya, dahil labag sa pamantayan niya na kunsintihin ang mga pagkakasala.​—Ro 5:12; 8:7, 8.

ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa buong lupa: Lit., “ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.” Hindi naman sinasabi dito ni Pablo na literal na nakarating ang mabuting balita sa lahat ng lupain sa buong mundo. Ipinapakita lang niya na napakalawak ng naabot ng mabuting balita. (Ro 1:8; Col 1:6) Noong isinulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Colosas, lumaganap na ang mensahe ng Kaharian sa Imperyo ng Roma at sa iba pang lupain. Sa katunayan, halos 30 taon bago nito, dinala ng mga Judio at proselita na yumakap sa Kristiyanismo noong Pentecostes 33 C.E. ang mensahe sa Parthia, Elam, Media, Mesopotamia, Arabia, Asia Minor, mga lugar sa Libya malapit sa Cirene, Roma, at posibleng sa iba pang lupain—ang saklaw ng “mundo” na alam ng mga mambabasa ni Pablo noon. (Gaw 2:1, 8-11, 41, 42) Makikita din sa sinabi ni Pablo sa Roma kabanata 15 na ang sinabi niya dito ay hindi dapat unawain nang literal. Doon, binanggit niyang kailangan pang makaabot ang mabuting balita sa Espanya.—Ro 15:20, 23, 24.

kaniyang katawan, ang kongregasyon: Tingnan ang study note sa Col 1:18.

ang ulo ng katawan, ang kongregasyon: Sa liham ni Pablo sa mga taga-Colosas at sa mga taga-Efeso, inihalintulad niya ang kongregasyong Kristiyano sa isang “katawan,” kung saan si Kristo ang ulo. (Efe 1:22, 23) Ayon sa isang reperensiya, ang metaporang ito ay “hindi lang nagpapahiwatig na kailangan ng katawan ang Ulo, kundi tinutupad din ng mga bahagi ng katawan ang kalooban ng Ulo. Sila ang mga instrumento Niya.” Si Jesus din ang ulo, o tagapamahala, ng kahariang tinawag ni Pablo na “kaharian ng . . . mahal na Anak” ng Diyos.—Col 1:13 at study note.

karunungan ng Diyos na nasa isang sagradong lihim: Tumutukoy sa matalinong kaayusan ng Diyos na tatapos sa rebelyong nagsimula sa Eden at magdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa sa buong uniberso. (Tingnan sa Glosari, “Sagradong lihim.”) Unang isiniwalat ang “sagradong lihim” (sa Griego, my·steʹri·on; tingnan ang study note sa Mat 13:11) sa hula ni Jehova sa Gen 3:15. Ang “sagradong lihim” ni Jehova ay nakasentro kay Jesu-Kristo. (Efe 1:9, 10; Col 2:2) Kasama rito ang pagkakakilanlan ni Jesus bilang ang ipinangakong supling, o Mesiyas, at ang papel niya sa Kaharian ng Diyos (Mat 13:11); ang pagpili ng mga pinahiran—mula sa mga Judio at Gentil—na makakasama ni Kristo sa Kaharian bilang mga tagapagmana (Luc 22:29, 30; Ro 11:25; Efe 3:3-6; Col 1:26, 27); at ang espesyal na katangian ng kongregasyong ito na binubuo ng 144,000 “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero” (Apo 14:1, 4). Ang mga bagay na ito ay maiintindihan lang ng mga nag-aaral mabuti ng Kasulatan.

sagradong lihim: Maraming beses na binanggit sa liham ni Pablo sa mga taga-Colosas ang terminong “sagradong lihim.”—Col 1:27; 2:2; 4:3; tingnan ang study note sa Mat 13:11; 1Co 2:7; Efe 1:9.

nakalipas na mga sistema: O “nakalipas na mga panahon.”—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”

mga sagradong lihim: Ang salitang Griego na my·steʹri·on ay 25 beses na isinaling “sagradong lihim” sa Bagong Sanlibutang Salin. Dahil nasa anyong pangmaramihan ito, tumutukoy ito sa mga bahagi ng layunin ng Diyos na nanatiling lihim hanggang sa lubusan itong isiwalat ng Diyos. At isinisiwalat lang ito ng Diyos sa mga pinili niyang makaunawa nito. (Col 1:25, 26) Kapag naisiwalat na, ang mga sagradong lihim ng Diyos ay inihahayag sa pinakamaraming tao hangga’t posible. Masasabi natin iyan dahil ginamit sa Bibliya ang mga terminong “inihahayag,” “maihayag,” “ipaalám,” “isiniwalat,” at “pangangaral” na kaugnay ng ekspresyong “sagradong lihim.” (1Co 2:1; Efe 1:9; 3:3; Col 1:25, 26; 4:3) Ang pangunahing “sagradong lihim ng Diyos” ay nakasentro sa pagkakakilanlan ni Jesu-Kristo bilang ang ipinangakong “supling,” o Mesiyas. (Col 2:2; Gen 3:15) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim na ito, gaya ng papel na ginagampanan ni Jesus sa layunin ng Diyos. (Col 4:3) Ipinakita ni Jesus sa tekstong ito na ang “mga sagradong lihim” ay kaugnay ng Kaharian ng langit, o “Kaharian ng Diyos,” ang gobyerno sa langit kung saan namamahala si Jesus bilang Hari. (Mar 4:11; Luc 8:10; tingnan ang study note sa Mat 3:2.) Iba ang pagkakagamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa my·steʹri·on sa pagkakagamit dito ng sinaunang mga kulto. Ang mga kultong iyon, na karaniwan nang may kaugnayan sa pag-aanak na lumaganap noong unang siglo C.E., ay nangangako sa mga miyembro nito na makakatanggap sila ng imortalidad at direktang pagsisiwalat at na makakalapit sila sa mga diyos sa pamamagitan ng mga ritwal. Maliwanag na hindi batay sa katotohanan ang gayong mga lihim. Ang mga umaanib sa mga kultong iyon ay nananatang hindi nila sasabihin kahit kanino ang mga lihim kaya nananatili itong misteryo. Kabaligtaran iyan ng ginagawa ng mga Kristiyano na paghahayag ng mga sagradong lihim. Kapag ginamit ng Kasulatan ang terminong ito may kaugnayan sa huwad na pagsamba, isinasalin itong “palihim” o “misteryo” sa Bagong Sanlibutang Salin.—Para sa tatlong paglitaw ng my·steʹri·on na isinaling “palihim” o “misteryo,” tingnan ang study note sa 2Te 2:7; Apo 17:5, 7.

sagradong lihim ng kalooban niya: Maraming beses na binanggit ni Pablo ang terminong “sagradong lihim” sa liham niya sa mga taga-Efeso. Ang “sagradong lihim” ni Jehova ay nakasentro kay Jesu-Kristo. (Col 2:2; 4:3) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim ng Diyos. Kasama rito ang pagkakakilanlan ni Jesus bilang ang ipinangakong supling, o Mesiyas, at ang papel niya sa layunin ng Diyos (Gen 3:15); ang isang gobyerno sa langit, ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos (Mat 13:11; Mar 4:11); ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, na si Kristo ang ulo (Efe 5:32; Col 1:18; Apo 1:20); ang papel ng mga pinahirang makakasama ni Jesus sa Kaharian (Luc 22:29, 30); at ang pagpili sa mga pinahiran mula sa mga Judio at Gentil (Ro 11:25; Efe 3:3-6; Col 1:26, 27).—Tingnan ang study note sa Mat 13:11; 1Co 2:7.

bilang maygulang: O “na may matibay na pananampalataya.” Lit., “na perpekto.”—Ihambing ang 1Co 2:6 at tlb.

Media

Liham ni Pablo sa mga Taga-Colosas
Liham ni Pablo sa mga Taga-Colosas

Makikita rito ang isang pahina ng papirong codex na tinatawag na P46, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Ang codex na ito ay koleksiyon ng siyam sa mga liham ni Pablo, pero ang pagkakasunod-sunod ng mga liham dito ay iba sa makikita sa mga Bibliya ngayon. (Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto” at “Ikalawang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”) Mababasa sa pahinang ito ang katapusan ng liham ni Pablo sa mga taga-Filipos at ang umpisa ng liham niya sa mga Kristiyano sa Colosas, isang lunsod sa timog-kanluran ng Asia Minor. Bahagi ito ng Papyrus Chester Beatty 2, na iniingatan ngayon sa Chester Beatty Library sa Dublin, Ireland. Minarkahan dito ang pamagat, kung saan ang mababasa ay “Para sa mga Taga-Colosas.” Ang koleksiyong ito ay patunay na noon pa man, gumagamit na ang mga eskriba ng mga pamagat para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya.

Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Colosas
Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Colosas