Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapayapaan sa Lupa sa Wakas!

Kapayapaan sa Lupa sa Wakas!

NANINIWALA ang ilan na makakamit lamang ang kalayaan sa pulitika at kadalisayan sa relihiyon sa pamamagitan ng karahasan​—na tanging mapangwasak na puwersa lamang ang makapag-aalis ng di-mabubuting tagapamahala. Sinisindak naman ng ilang pamahalaan ang kanilang mga sakop para lamang mapanatili ang kaayusan at makontrol ang mga tao. Subalit kung totoong mabisang paraan ng pamamahala at reporma sa lipunan ang terorismo, nagdulot na sana ito ng kapayapaan, kasaganaan, at katatagan. At sa kalaunan, naglaho na sana ang karahasan at takot. Ganito ba ang resultang nakikita natin?

Ang totoo, nababawasan ang paggalang sa buhay dahil sa terorismo, at humahantong ito sa pagdanak ng dugo at kalupitan. Dahil sa hinagpis na dinanas nila, ang mga biktima ay kadalasang naghihiganti, na sinusuklian naman ng higit pang paniniil at humahantong sa higit pang paghihiganti.

Hindi Nalulutas ng Karahasan ang Ating mga Suliranin

Libu-libong taon nang sinisikap lutasin ng mga tao sa kanilang ganang sarili ang mga suliranin nila sa pulitika, relihiyon, at lipunan. Subalit ang lahat ng kanilang pagtatangka ay hindi nagtagumpay. Gaya ito ng sinasabi ng Bibliya: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Sinabi ni Jesus: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19) Sa mas malawak na pagkakapit ng mga simulaing ito sa Bibliya, ipinahihiwatig na hindi solusyon ang terorismo. Hindi kalayaan at kaligayahan ang ibinubunga ng terorismo kundi, sa halip, kamatayan, kahapisan, at kapahamakan. Ang masasamang bungang ito ay lumaganap nang husto noong ika-20 siglo at nagsisimula nang mangibabaw sa ika-21 siglo. Sinasabi ng marami na sa halip na maging solusyon, ang terorismo ay isa sa mga suliranin.

“Araw-araw kong hinahangad na wala sanang mamatay na kapamilya o kaibigan ko . . . Siguro kailangan natin ng himala.” Ito ang isinulat ng isang tin-edyer na babae na ang sariling lupain ay winasak ng mga terorista. Itinatawag-pansin ng kaniyang mga salita ang naging konklusyon ng marami: Wala sa kamay ng tao ang solusyon sa mga suliranin ng sangkatauhan. Tanging ang Maylalang ng tao ang makalulutas sa mga problema ng lupa sa ngayon, pati na sa terorismo. Pero bakit tayo dapat magtiwala sa Diyos?

Kung Bakit Karapat-dapat Pagtiwalaan ang Diyos

Ang isang dahilan ay sapagkat bilang Maylalang, si Jehova ang nagbigay sa atin ng buhay at nais niya tayong masiyahan at mabuhay nang payapa. Naudyukan ang propeta ng Diyos na si Isaias na isulat: “Ngayon, O Jehova, ikaw ang aming Ama. Kami ang luwad, at ikaw ang aming Magpapalayok; at kaming lahat ang gawa ng iyong kamay.” (Isaias 64:8) Si Jehova ang Ama ng sangkatauhan, at mahalaga sa kaniya ang mga tao sa lahat ng bansa. Hindi siya ang may kagagawan ng kawalang-katarungan at poot na humantong sa terorismo. Minsang sinabi ng marunong na haring si Solomon: “Ginawang matuwid ng tunay na Diyos ang mga tao, ngunit sila sa ganang sarili ay humanap ng maraming plano.” (Eclesiastes 7:29) Ang kasamaan ng tao at impluwensiya ng demonyo, hindi ang kawalan ng kakayahan ng Diyos, ang ugat ng terorismo.​—Efeso 6:11, 12.

Isa pa, makapagtitiwala tayo kay Jehova dahil mas alam niya ang ugat ng mga suliranin ng sangkatauhan at ang paraan upang lutasin ang mga ito, yamang siya ang lumalang sa mga tao. Sinasabi ng Bibliya ang katotohanang ito sa Kawikaan 3:19: “Itinatag ni Jehova ang lupa sa pamamagitan ng karunungan. Ang langit ay inilagay niya nang matibay sa pamamagitan ng kaunawaan.” Isang lalaki noon, na lubusang nagtitiwala sa Diyos, ang sumulat: “Saan magmumula ang tulong sa akin? Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova, ang Maylikha ng langit at lupa.”​—Awit 121:1, 2.

May ikatlong dahilan kung bakit dapat tayong magtiwala sa Diyos: May kapangyarihan siyang ihinto ang pagdanak ng dugo dahil sa karahasan. Noong panahon ni Noe, “ang lupa ay napuno ng karahasan.” (Genesis 6:11) Mabilis at sukdulan ang naging hatol ng Diyos: “Hindi . . . nagpigil [ang Diyos] sa pagpaparusa sa sinaunang sanlibutan . . . nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos.”​—2 Pedro 2:5.

Sinasabi ng Bibliya ang aral na dapat nating matutuhan mula sa Baha noong panahon ni Noe: “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok, at magtaan naman ng mga taong di-matuwid upang lipulin sa araw ng paghuhukom.” (2 Pedro 2:9) Alam ng Diyos kung sinu-sino ang taimtim na umaasam ng mas magandang buhay at kung sinu-sino ang nagpapahirap sa buhay ng iba. Itinataan niya ang huling nabanggit para sa “pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” Ngunit para sa mga naghahangad ng kapayapaan, naghahanda siya ng bagong lupa kung saan tatahan ang katuwiran.​—2 Pedro 3:7, 13.

Namamalaging Kapayapaan sa Lupa!

Madalas gamitin ng mga manunulat ng Bibliya ang salitang “lupa” para tumukoy sa sangkatauhan. Halimbawa, sinasabi sa Genesis 11:1 na iisa ang wika ng “buong lupa,” o ng mga taong nabubuhay nang panahong iyon. Ito ang nasa isip ni apostol Pedro nang isulat niya ang tungkol sa “isang bagong lupa.” Babaguhin ng Diyos na Jehova ang lipunan ng tao upang ang karahasan at poot ay mahalinhan ng katuwiran at katarungan na permanenteng “tatahan” sa lupa. Sa hulang iniulat sa Mikas 4:3, sinasabi sa atin ng Bibliya: “Siya ay maggagawad ng kahatulan sa gitna ng maraming bayan, at magtutuwid ng mga bagay-bagay may kinalaman sa makapangyarihang mga bansa sa malayo. At pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Sila ay hindi magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”

Ano ang magiging buhay ng mga tao kapag natupad na ang hulang iyan? Binabanggit ng Mikas 4:4: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.” Sa makalupang Paraisong iyon, wala nang matatakot na sasalakay pang muli ang mga terorista. Maaasahan mo ba ang pangakong iyan? Oo, “sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”​—Mikas 4:4.

Kung gayon, yamang dumarami ang banta ng terorismo at nanginginig ang mga bansa dahil sa karahasan, ang solusyon para sa mga umiibig sa kapayapaan ay ang pagtitiwala kay Jehova. Walang suliraning hindi niya kayang lutasin. Aalisin niya ang pinsala, pagdurusa, at maging ang kamatayan. Sinasabi ng Bibliya: “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” (Isaias 25:8) Ang minamahal na lupain ng maraming tao, na puno ngayon ng hirap at takot dahil sa terorismo, ay malapit nang mag-umapaw sa mga bunga ng kapayapaan. Ang kapayapaang iyan, na ipinangako ng Diyos “na hindi makapagsisinungaling,” ang kailangang-kailangan ng sangkatauhan.​—Tito 1:2; Hebreo 6:17, 18.