Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kristiyano Noong Unang Siglo

“Mga Manggagawa sa Tahanan”

“Mga Manggagawa sa Tahanan”

“Habang yumayaon sila, pumasok siya sa isang nayon. Dito ay tinanggap siya ng isang babae na nagngangalang Marta bilang panauhin sa bahay. Ang babae ring ito ay may kapatid na babae na tinatawag na Maria, na nakaupo naman sa paanan ng Panginoon at patuloy na nakikinig sa kaniyang salita. Si Marta, sa kabilang dako, ay nagagambala sa pag-aasikaso sa maraming tungkulin. Kaya, siya ay lumapit at nagsabi: ‘Panginoon, hindi ka ba nababahala na pinababayaan akong mag-isa ng aking kapatid na mag-asikaso sa mga bagay-bagay? Kaya nga sabihin mo sa kaniya na tulungan ako.’ Bilang sagot ay sinabi ng Panginoon sa kaniya: ‘Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag tungkol sa maraming bagay. Gayunman, iilang bagay ang kinakailangan, o isa lamang. Sa ganang kaniya, pinili ni Maria ang mabuting bahagi, at hindi ito kukunin sa kaniya.’”​—LUCAS 10:38-42.

MASIPAG si Marta. Tiyak na pinahahalagahan siya ng iba. Ayon sa paniniwalang Judio noong unang-siglo, ang halaga ng isang babae ay nasusukat sa kaniyang debosyon sa pag-aasikaso sa mga gawaing-bahay at sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Hinihimok din ang mga babaing Kristiyano noong unang siglo na maging “mga manggagawa sa tahanan.” (Tito 2:5) Pero isang pribilehiyo at pananagutan din nilang turuan ang iba tungkol sa kanilang paniniwala. (Mateo 28:19, 20; Gawa 2:18) Ano ang ilan sa “maraming tungkulin” na inaasikaso ng isang babaing Judio noong unang siglo? At ano ang matututuhan natin sa mga sinabi ni Jesus tungkol kay Maria?

“Pag-aasikaso sa Maraming Tungkulin” Bago pa sumikat ang araw, nagsisimula nang magtrabaho ang isang maybahay na Judio. (Kawikaan 31:15) Pagkatapos magluto ng lugaw para sa kaniyang pamilya, ihahatid niya ang kaniyang mga anak na lalaki sa paaralan sa sinagoga. Naiiwan naman sa bahay ang kaniyang mga anak na babae. Tinuturuan niya ang mga ito ng mga gawaing-bahay para maging mahusay na asawang babae.

Nagtutulungan ang nanay at ang kaniyang mga anak na babae sa pag-aasikaso sa mga gawaing-bahay​—paglalagay ng langis sa mga lampara (1), pagwawalis ng sahig (2), at pagkuha ng gatas sa alagang kambing ng pamilya (3). Pagkatapos, gagawa sila ng tinapay para sa araw na iyon. Sasalain muna ng mga batang babae ang butil para alisin ang mga dumi (4) at saka manu-manong gigilingin sa gilingang-bato ang butil upang maging magaspang na harina (5). Lalagyan ng ina ang harina ng tubig at pampaalsa. Mamasahin niya ito (6) at hahayaang umalsa habang ipinagpapatuloy nila ang iba pang gawaing-bahay. Samantala, ginagawa namang keso ng mga batang babae ang sariwang gatas ng kambing (7).

Pagkatapos, mamamalengke ang mag-iina. Sa palengke, maaamoy ng ina ang mababangong espesya at maririnig ang ingay ng mga hayop at hiyaw ng mga mamimili habang nakikipagtawaran. Bibilhin niya ang kailangan nila sa araw na iyon (8). Kasama rito ang sariwang gulay at daing na isda. Kung isa siyang Kristiyano, pagkakataon ito para ipakipag-usap sa iba ang kaniyang paniniwala.​—Gawa 17:17.

Habang naglalakad papunta sa pamilihan at pauwi ng bahay, maaaring samantalahin ng isang masipag na ina na turuan ang kaniyang mga anak na pahalagahan ang mga simulain sa Kasulatan. (Deuteronomio 6:6, 7) Maaari din niyang ipakipag-usap sa kanila ang tungkol sa pagtitipid.​—Kawikaan 31:14, 18.

Araw-araw ding umiigib ang mga babae sa balon (9) para sa suplay ng tubig ng pamilya. Dito, nakikipag-usap sila sa ibang babaing umiigib din. Pag-uwi, gagawa ng tinapay ang mag-iina. Una, palalaparin at ihuhugis nang pabilog ang minasang harina at saka ito isasalang sa pinainit na hurno (10) na karaniwan nang nasa labas ng bahay. Habang binabantayan ang niluluto, nasisiyahan sila sa masarap na amoy nito at nagkukuwentuhan.

Pagkatapos, pupunta naman sila sa kalapít na batis upang maglaba (11). Sasabunin munang mabuti ng mga babae ang mga damit gamit ang lihiya, sabon gawa sa abo ng ilang halaman. Pagkatapos banlawan at pigain ang mga damit, ilalatag nila ang mga ito sa kalapít na mga palumpong o bato para matuyo.

Pagkatapos iuwi ang mga labada, ang mag-iina ay magtutungo sa patag na bubungan ng kanilang bahay upang sulsihan (12) ang sirang mga damit bago ito ibalik sa aparador. Maaari ding turuan ang mga batang babae ng pagbuburda at paghahabi (13). Susunod, magluluto na ang kababaihan ng hapunan (14). Mapagpatuloy sila, kaya lagi silang may nakahandang tinapay, gulay, keso, daing, at malamig na tubig para sa sinumang bisita.

Sa gabi, bago matulog ang mga bata, papahiran ng nakagiginhawang langis ang kanilang nagasgas na mga tuhod. Pagkatapos, sa aandap-andap na liwanag ng lampara, kukuwentuhan ng mga magulang mula sa Kasulatan ang kanilang mga anak at saka mananalangin. Sa katahimikan ng gabi, bibigkasin ng asawang lalaki sa kaniyang kabiyak: “Isang asawang babae na may kakayahan, sino ang makasusumpong? Ang kaniyang halaga ay malayong higit kaysa sa mga korales.”​—Kawikaan 31:10.

Piliin “ang Mabuting Bahagi” Walang alinlangan, abala sa “maraming tungkulin” ang masisipag na babae noong unang siglo. (Lucas 10:40) Abala rin ngayon ang mga babae, lalo na ang mga ina. Pero ang ilang gawaing-bahay ay napasimple na ng modernong mga imbensiyon. Gayunman, dahil sa hirap ng buhay, kailangan ding maghanapbuhay ng maraming ina bukod pa sa pag-aasikaso sa kanilang pamilya.

Sa kabila nito, tinutularan ng maraming babaing Kristiyano ngayon ang halimbawa ni Maria na nabanggit sa simula ng artikulo. Inuuna nila ang espirituwal na mga bagay. (Mateo 5:3) Inaasikaso nilang mabuti ang kanilang pamilya alinsunod sa payo ng Kasulatan. (Kawikaan 31:11-31) Ikinakapit din nila ang simulaing binanggit ni Jesus kay Marta. Dahil mahalaga kay Marta ang kaugnayan niya sa Diyos, tiyak na isinapuso niya ang paalaalang ito. Hindi hinahayaan ng mga babaing Kristiyano na makahadlang ang kanilang mga pananagutan sa tahanan para matuto tungkol sa Diyos (15) o sabihin sa iba ang kanilang paniniwala. (Mateo 24:14; Hebreo 10:24, 25) Sa gayon, pinipili nila “ang mabuting bahagi.” (Lucas 10:42) Dahil diyan, lubha silang pinahahalagahan ng Diyos, ni Kristo, at ng kanilang pamilya.​—Kawikaan 18:22.