Pumunta sa nilalaman

Mga Babae sa Bibliya—Ano ang Matututuhan Natin sa Kanila?

Mga Babae sa Bibliya—Ano ang Matututuhan Natin sa Kanila?

 Ang sagot ng Bibliya

 Marami tayong matututuhan mula sa mga babaeng binanggit sa Bibliya. (Roma 15:4; 2 Timoteo 3:16, 17) Sa artikulong ito, makikilala natin ang ilan sa kanila. Marami sa kanila ang magagandang halimbawa, pero mayroon ding hindi dapat tularan.—1 Corinto 10:11; Hebreo 6:12.

  Abigail

Sino si Abigail? Asawa siya ng mayaman pero mabagsik na lalaking si Nabal. Pero si Abigail ay matalino at mapagpakumbaba. Maganda siya at malapít sa Diyos.—1 Samuel 25:3.

Ano ang ginawa niya? Naging matalino si Abigail at kumilos siya para makaiwas sa kapahamakan. Nakatira sila ng asawa niyang si Nabal sa lugar kung saan nagtatago si David, ang magiging hari ng Israel. Habang naroon sina David, pinrotektahan nila ang kawan ni Nabal mula sa mga magnanakaw. Pero nang humingi ng kaunting pagkain ang mga mensaherong ipinadala ni David, binastos sila ni Nabal at pinagdamutan sila. Galit na galit si David! Kaya sumugod sila para patayin si Nabal at ang lahat ng lalaki sa pamilya niya.—1 Samuel 25:10-12, 22.

Kumilos agad si Abigail nang malaman niya ang ginawa ng asawa niya. Inutusan niya ang mga lingkod niya na pumunta kina David para magdala ng pagkain, at sumunod din siya para magmakaawa. (1 Samuel 25:14-19, 24-31) Nang makita ni David ang regalo niya at ang kaniyang kapakumbabaan, at nang marinig niya ang payo nito, nakita ni David na isinugo ito ng Diyos para hindi siya makagawa ng malaking pagkakasala. (1 Samuel 25:32, 33) Di-nagtagal, namatay si Nabal at naging asawa ni David si Abigail.—1 Samuel 25:37-41.

Ano ang matututuhan natin kay Abigail? Kahit maganda siya at mayaman, hindi mataas ang tingin niya sa sarili. Para sa kapayapaan, handa siyang humingi ng tawad sa kasalanang hindi niya ginawa. Sa harap ng isang mahirap na sitwasyon, naging kalmado siya, mataktika, malakas ang loob, at matalino.

  Asawa ni Lot

Sino ang asawa ni Lot? Hindi sinabi sa Bibliya ang pangalan niya. Pero sinabi nito na may dalawa siyang anak na babae at nakatira sila ng pamilya niya sa lunsod ng Sodoma.—Genesis 19:1, 15.

Ano ang ginawa niya? Sumuway siya sa Diyos. Wawasakin ng Diyos ang Sodoma at ang karatig na mga lunsod nito dahil laganap dito ang seksuwal na imoralidad. Pero dahil mahal niya si Lot at ang pamilya nito na nakatira sa Sodoma, nagpadala siya ng dalawang anghel para tulungan silang makatakas.—Genesis 18:20; 19:1, 12, 13.

Sinabi ng mga anghel sa pamilya ni Lot na tumakas at huwag lumingon, kung hindi ay mamamatay sila. (Genesis 19:17) “Pero lumingon ang asawa ni Lot ... at ito ay naging haliging asin.”—Genesis 19:26.

Ano ang matututuhan natin sa asawa ni Lot? Ipinapakita ng karanasan niya na mapanganib ang pag-ibig sa materyal na mga bagay dahil baka maging masuwayin tayo sa Diyos. Itinuro ni Jesus na hindi dapat tularan ang babaeng ito. “Alalahanin ang asawa ni Lot,” ang sabi niya.—Lucas 17:32.

  Babaeng Shulamita

Sino ang babaeng Shulamita? Siya ang magandang dalaga na pangunahing karakter sa aklat ng Bibliya na Awit ni Solomon. Hindi sinabi ng Bibliya ang pangalan niya.

Ano ang ginawa niya? Tapat ang Shulamita sa pastol na minamahal niya. (Awit ni Solomon 2:16) Napakaganda niya, kaya nagkagusto sa kaniya ang mayamang hari na si Solomon. Sinikap siyang paibigin ni Solomon. (Awit ni Solomon 7:6) Pinipilit siya ng iba na piliin si Solomon, pero tumanggi siya. Mahal niya ang simpleng pastol at tapat siya sa kaniya.—Awit ni Solomon 3:5; 7:10; 8:6.

Ano ang matututuhan natin sa babaeng Shulamita? Mapagpakumbaba siya kahit na napakaganda niya at hinahangaan ng marami. Hindi nagbago ang pagmamahal niya sa pastol kahit na ginipit siya ng iba o pinangakuan pa nga ng kayamanan at katanyagan. Nakontrol niya ang kaniyang emosyon at nanatiling malinis sa moral.

  Debora

Sino si Debora? Isa siyang propetisa na ginamit ng Diyos na Jehova para ipaalam sa bayan niyang Israel ang mga desisyon niya. Ginamit din siya ng Diyos para tulungan ang mga Israelita na lutasin ang kanilang problema.—Hukom 4:4, 5.

Ano ang ginawa niya? Buong-tapang na sinuportahan ng propetisang si Debora ang mga mananamba ng Diyos. Sa utos ng Diyos, ipinatawag ni Debora si Barak at sinabing pangunahan nito ang hukbo ng Israel sa pakikipaglaban sa mga Canaanita. (Hukom 4:6, 7) Nang hilingan siya ni Barak na sumama, hindi siya natakot at pumayag siya.—Hukom 4:8, 9.

Nang manalo ang mga Israelita dahil sa tulong ng Diyos, isinulat ni Debora ang ilang bahagi ng awit na kinanta nila ni Barak para alalahanin ang tagumpay na iyon. Sa awit na iyon, binanggit niya si Jael, isa pang matapang na babae na tumulong para matalo ang mga Canaanita.—Hukom, kabanata 5.

Ano ang matututuhan natin kay Debora? Mapagsakripisyo at matapang si Debora. Pinatibay niya ang iba na gawin ang tama sa paningin ng Diyos. At pinupuri niya sila kapag ginagawa nila ito.

  Delaila

Sino si Delaila? Siya ang babaeng minahal ni Samson, isang hukom ng Israel.—Hukom 16:4, 5.

Ano ang ginawa niya? Tumanggap siya ng suhol sa mga Filisteo para pagtaksilan si Samson, ang tagapagligtas ng mga Israelita mula sa mga Filisteo. Hindi ito matalo ng mga Filisteo dahil sa pambihirang lakas na ibinigay rito ng Diyos. (Hukom 13:5) Kaya humingi sila ng tulong kay Delaila.

Sinuhulan nila si Delaila para alamin kung saan nanggagaling ang lakas ni Samson. Tinanggap niya ito at ilang beses na sinubukang paaminin si Samson hanggang sa magtagumpay siya. (Hukom 16:15-17) Sinabi niya sa mga Filisteo ang sekreto ni Samson kaya nahuli nila ito at ibinilanggo.—Hukom 16:18-21.

Ano ang matututuhan natin kay Delaila? Hindi siya dapat tularan. Dahil sakim siya at makasarili, nilinlang niya at pinagtaksilan ang isang lingkod ng Diyos na Jehova.

  Esther

Sino si Esther? Isa siyang Judio na pinili ng hari ng Persia na si Ahasuero para maging reyna niya.

Ano ang ginawa niya? Ginamit ni Reyna Esther ang posisyon niya para iligtas ang bayan niya mula sa pagkalipol. Nalaman niya na isang opisyal na utos ang ipinalabas: Sa isang partikular na araw, papatayin ang lahat ng Judiong nakatira sa Imperyo ng Persia. Ang pasimuno ng napakasamang planong ito ay ang punong ministrong si Haman. (Esther 3:13-15; 4:1, 5) Sa tulong ng nakatatanda niyang pinsan na si Mardokeo, ibinunyag ni Esther ang planong iyon sa asawa niyang si Haring Ahasuero kahit manganib pa ang buhay niya. (Esther 4:10-16; 7:1-10) Kaya sa permiso ni Ahasuero, nagpalabas sina Esther at Mardokeo ng panibagong utos: Puwedeng ipagtanggol ng mga Judio ang sarili nila. At tinalo ng mga Judio ang kaaway nila.—Esther 8:5-11; 9:16, 17.

Ano ang matututuhan natin kay Esther? Napakagandang halimbawa ni Reyna Esther pagdating sa lakas ng loob, kapakumbabaan, at pagkakaroon ng balanseng pananaw sa sarili. (Awit 31:24; Filipos 2:3) Kahit maganda siya at may mataas na posisyon, humingi siya ng payo at tulong. Mataktika at magalang siyang makipag-usap sa asawa niya, pero malakas din ang loob niya. At sa panahong nanganganib ang buhay ng mga Judio, ipinakilala niya ring Judio ang sarili niya.

  Eva

Sino si Eva? Siya ang pinakaunang babae at ang unang babaeng binanggit sa Bibliya.

Ano ang ginawa niya? Sinuway niya ang isang malinaw na utos ng Diyos. Gaya ng asawa niyang si Adan, perpekto si Eva at may kalayaan siyang magpasiya. Puwede niya ring maipakita ang mga katangian ng Diyos, gaya ng pag-ibig at karunungan. (Genesis 1:27) Alam ni Eva na sinabi ng Diyos kay Adan na kung kakainin nila ang bunga ng isang partikular na puno, mamamatay sila. Pero napapaniwala siyang hindi siya mamamatay. Sa katunayan, naniwala siyang mapapabuti siya kung susuway siya sa Diyos. Kaya kumain siya ng bunga at inalok din niya ang kaniyang asawa na kumain.—Genesis 3:1-6; 1 Timoteo 2:14.

Ano ang matututuhan natin kay Eva? Makikita natin sa halimbawa ni Eva na mapanganib kung hindi natin aalisin ang maling mga pagnanasa. Kahit malinaw ang utos ng Diyos, nagkaroon pa rin siya ng napakatinding pagnanasa sa isang bagay na hindi naman sa kaniya.—Genesis 3:6; 1 Juan 2:16.

  Hana

Sino si Hana? Siya ay asawa ni Elkana at ina ni Samuel, na naging isang kilaláng propeta sa sinaunang Israel.—1 Samuel 1:1, 2, 4-7.

Ano ang ginawa niya? Noong wala pang anak si Hana, umasa siya sa Diyos dahil nalulungkot siya. May dalawang asawa si Elkana. Ang isa pang asawa nito ay si Penina at mayroon siyang mga anak. Pero hindi magkaanak si Hana kahit na matagal na silang mag-asawa ni Elkana, kaya lagi siyang iniinsulto ni Penina. Pero laging nananalangin sa Diyos si Hana. Nanata siya sa Diyos na kung magkakaanak siya, ibibigay niya sa Diyos ang bata—paglilingkurin niya ang kaniyang anak sa tabernakulo, isang naililipat-lipat na tolda na ginagamit ng Israel sa pagsamba.—1 Samuel 1:11.

Sinagot ng Diyos ang panalangin ni Hana, at naging anak niya si Samuel. Tinupad ni Hana ang pangako niya at dinala niya ang batang si Samuel sa tabernakulo para maglingkod doon. (1 Samuel 1:27, 28) Taon-taon, dinadalhan niya si Samuel ng damit na walang manggas na siya mismo ang nagtahi. Pinagpala rin ng Diyos si Hana ng lima pang anak—tatlong lalaki at dalawang babae.—1 Samuel 2:18-21.

Ano ang matututuhan natin kay Hana? Nakatulong kay Hana ang taos-pusong pananalangin para makapagtiis. Ang kaniyang panalangin ng pasasalamat sa 1 Samuel 2:1-10 ay nagpapakita kung gaano katibay ang pananampalataya niya sa Diyos.

  Jael

Sino si Jael? Asawa siya ng isang di-Israelita na si Heber. Buong-tapang na sinuportahan ni Jael ang bayan ng Diyos.

Ano ang ginawa niya? Kumilos nang matapang si Jael nang pumunta sa kampo niya ang pinuno ng hukbo ng mga Canaanita na si Sisera. Natalo si Sisera sa pakikipaglaban niya sa Israel kaya naghanap siya ng matataguan. Pinapasok siya ni Jael sa tolda niya at pinagpahinga. Habang natutulog si Sisera, pinatay siya ni Jael.—Hukom 4:17-21.

Tinupad ni Jael ang hula ni Debora: “Sa kamay ng isang babae ibibigay ni Jehova si Sisera.” (Hukom 4:9) Dahil diyan, tinawag si Jael na “pinagpala sa lahat ng babae.”—Hukom 5:24.

Ano ang matututuhan natin kay Jael? May pagkukusa siya at buo ang loob niya. Ipinapakita ng karanasan niya na kayang maniobrahin ni Jehova ang mga bagay-bagay para matupad ang hula.

  Jezebel

Sino si Jezebel? Asawa siya ng hari ng Israel na si Ahab. Hindi siya Israelita at lingkod ni Jehova. Mananamba siya ni Baal na diyos ng Canaan.

Ano ang ginawa niya? Dominante, walang awa, at marahas si Reyna Jezebel. Ipinalaganap niya ang pagsamba kay Baal at ang seksuwal na imoralidad na bahagi ng kanilang pagsamba. Gusto niya ring lubusang patigilin ang pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova.—1 Hari 18:4, 13; 19:1-3.

Nagsisinungaling si Jezebel at pumapatay siya para makuha ang gusto niya. (1 Hari 21:8-16) Gaya ng inihula ng Diyos, namatay siya sa masaklap na paraan at hindi man lang siya inilibing.—1 Hari 21:23; 2 Hari 9:10, 32-37.

Ano ang matututuhan natin kay Jezebel? Hindi siya dapat tularan. Napakababa ng moralidad niya kaya ang pangalan niya ay naging katawagan sa isang babae na walang kahihiyan at imoral.

  Lea

Sino si Lea? Siya ang unang asawa ng patriyarkang si Jacob. Nakababata niyang kapatid si Raquel, na asawa rin ni Jacob.—Genesis 29:20-29.

Ano ang ginawa niya? Siya ang ina ng anim na anak na lalaki ni Jacob. (Ruth 4:11) Gusto sanang maging asawa ni Jacob si Raquel; pero si Lea ang ibinigay sa kaniya ni Laban, ang tatay ng magkapatid. Nang malaman ni Jacob na dinaya siya ni Laban, kinompronta niya ito. Idinahilan ni Laban na hindi nila kaugalian na unang mag-asawa ang nakababatang anak. Pagkaraan ng isang linggo, napangasawa rin ni Jacob si Raquel.—Genesis 29:26-28.

Mas mahal ni Jacob si Raquel kaysa kay Lea. (Genesis 29:30) Dahil diyan, lagi na lang nakikipagkompetensiya si Lea para sa pag-ibig at atensiyon ni Jacob. Napansin iyan ng Diyos kaya binigyan niya si Lea ng pitong anak—anim na lalaki at isang babae.—Genesis 29:31.

Ano ang matututuhan natin kay Lea? Nagtiwala si Lea sa Diyos. Lagi siyang nananalangin at kahit na may problema ang kanilang pamilya, naniniwala pa rin siyang tinutulungan siya ng Diyos. (Genesis 29:32-35; 30:20) Makikita natin sa naging buhay ni Lea ang masaklap na resulta ng poligamya. Kahit pinahintulutan ito ng Diyos nang ilang panahon, ang pamantayan niya pa rin ay ang pagkakaroon lang ng isang asawa.—Mateo 19:4-6.

  Maria (ina ni Jesus)

Sino si Maria? Isa siyang kabataang Judio. Birhen siya nang isilang niya ang anak ng Diyos na si Jesus, na makahimala niyang ipinagbuntis.

Ano ang ginawa niya? Mapagpakumbaba niyang sinunod ang gusto ng Diyos. Nakatakda na siyang ikasal kay Jose nang dumalaw sa kaniya ang isang anghel para sabihing ipagbubuntis at isisilang niya ang Mesiyas na pinakahihintay ng mga Judio. (Lucas 1:26-33) Tinanggap niya ang atas. Matapos isilang si Jesus, nagkaroon pa sina Maria at Jose ng apat na anak na lalaki at di-bababa sa dalawang anak na babae. Kaya hindi nanatiling birhen si Maria. (Mateo 13:55, 56) Napakaespesyal ng pribilehiyo niya, pero hindi siya naghangad ng papuri, kahit noong ministeryo ni Jesus sa lupa o nang maging bahagi siya ng kongregasyong Kristiyano.

Ano ang matututuhan natin kay Maria? Tapat si Maria at handa siyang tumanggap ng mabigat na pananagutan. Malawak ang kaalaman niya sa Kasulatan. Sa isang pagtantiya, ang sinabi niya sa Lucas 1:46-55 ay naglalaman ng mga 20 pagsipi sa Kasulatan.

  Maria (kapatid nina Marta at Lazaro)

Sino si Maria? Matalik siyang kaibigan ni Jesus, gaya ng kapatid niyang sina Lazaro at Marta.

Ano ang ginawa niya? Maraming beses niyang ipinakita na mahalaga sa kaniya si Jesus bilang ang Anak ng Diyos. Naipakita niyang nananampalataya siya na kayang pagalingin ni Jesus ang kapatid niyang si Lazaro. At naroon din siya nang buhayin itong muli ni Jesus. Inireklamo siya ng kapatid niyang si Marta dahil nakinig siya kay Jesus sa halip na tulungan ito sa gawaing-bahay. Pero pinapurihan siya ni Jesus dahil inuna niya ang espirituwal na mga bagay.—Lucas 10:38-42.

Sa isang pagkakataon, ipinakita niyang mapagbigay siya nang ibuhos niya sa ulo at paa ni Jesus ang “mamahalin at mabangong langis.” (Mateo 26:6, 7) Nakita ito ng ilan at sinabing nag-aaksaya lang siya. Pero ipinagtanggol siya ni Jesus at sinabi: “Saanman sa mundo ipangaral ang mabuting balita [ng Kaharian ng Diyos], ang ginawa ng babaeng ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.”—Mateo 24:14; 26:8-13.

Ano ang matututuhan natin kay Maria? Pinatibay niya ang pananampalataya niya. Pinakamahalaga sa kaniya ang pagsamba sa Diyos. Handa siyang gumastos ng napakalaking halaga para maparangalan si Jesus.

  Maria Magdalena

Sino si Maria Magdalena? Isa siyang tapat na alagad ni Jesus.

Ano ang ginawa niya? Isa siya sa maraming babae na kasama ni Jesus at ng kaniyang mga alagad sa paglalakbay. Ginamit niya ang kaniyang pag-aari para tustusan ang kanilang pangangailangan. (Lucas 8:1-3) Sinundan niya si Jesus hanggang sa huli, at naroon siya nang mamatay ito. Isa siya sa unang nakakita kay Jesus nang buhayin itong muli.—Juan 20:11-18.

Ano ang matututuhan natin kay Maria? Bukas-palad niyang sinuportahan ang ministeryo ni Jesus, at nanatili siyang tapat na alagad.

  Marta

Sino si Marta? Kapatid siya nina Lazaro at Maria, at nakatira silang magkakapatid sa Betania malapit sa Jerusalem.

Ano ang ginawa niya? Matalik na kaibigan ni Jesus si Marta. Sinasabi ng Bibliya: “Mahal ni Jesus si Marta, ang kapatid nitong babae, at si Lazaro.” (Juan 11:5) Mapagpatuloy rin si Marta. Minsan, nang dumalaw si Jesus sa kanila, nakinig si Maria kay Jesus habang abalang-abala naman sa gawain si Marta. Dahil diyan, nagreklamo si Marta kay Jesus na hindi siya tinutulungan ng kapatid niya; pero itinuwid siya ni Jesus sa mabait na paraan.—Lucas 10:38-42.

Nang magkasakit si Lazaro, hiniling ni Marta at ni Maria na pumunta si Jesus dahil alam nilang mapapagaling niya ang kanilang kapatid. (Juan 11:3, 21) Pero namatay si Lazaro. Makikita sa pag-uusap ni Marta at ni Jesus na napakalaki ng pananampalataya niya sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli at sa kakayahan ni Jesus na buhaying muli ang kaniyang kapatid.—Juan 11:20-27.

Ano ang matututuhan natin kay Marta? Masipag siya at mapagpatuloy. Handa siyang tumanggap ng payo. Malaya niya ring sinasabi sa iba ang pananampalataya niya at ang kaniyang nadarama.

  • Para sa higit pang impormasyon tungkol kay Marta, tingnan ang artikulong “Naniniwala Ako.”

  Miriam

Sino si Miriam? Kapatid siya nina Moises at Aaron. Siya ang unang babae na tinawag ng Bibliya na propetisa.

Ano ang ginawa niya? Bilang isang propetisa, inihahayag niya ang mensahe ng Diyos. Napakahalaga ng posisyon niya sa Israel. Kasama siya nang kumanta ng awit ng tagumpay ang mga lalaki matapos lipulin ng Diyos ang hukbo ng mga Ehipsiyo sa Dagat na Pula.—Exodo 15:1, 20, 21.

Di-nagtagal, nagsalita ng masama sina Miriam at Aaron tungkol kay Moises dahil sa inggit at pagmamataas. “Naririnig sila” ng Diyos kaya sinaway Niya sila. (Bilang 12:1-9) Nagkaketong si Miriam bilang parusa ng Diyos dahil siya ang pasimuno ng bulong-bulungan. Nang magmakaawa si Moises para sa kaniya, pinagaling siya ng Diyos. Matapos siyang ibukod nang pitong araw, bumalik siya sa kampo ng Israel.—Bilang 12:10-15.

Ipinapakita ng Bibliya na tinanggap ni Miriam ang disiplina. Pagkaraan ng daan-daang taon, muling binanggit ng Diyos sa mga Israelita ang tungkol sa kaniyang espesyal na atas: “Isinugo ko sa iyo sina Moises, Aaron, at Miriam.”—Mikas 6:4.

Ano ang matututuhan natin kay Miriam? Ipinapakita ng karanasan ni Miriam na nakikinig ang Diyos sa mga sinasabi ng mga lingkod niya sa isa’t isa at sa sinasabi nila tungkol sa iba. Natutuhan din natin na para mapasaya ang Diyos, iiwasan nating maging mainggitin at mapagmataas—mga katangian na puwedeng magtulak sa atin na siraan ang iba.

  Rahab

Sino si Rahab? Isa siyang babaeng bayaran na nakatira sa Canaanitang lunsod ng Jerico. Naging mananamba siya ng Diyos na Jehova.

Ano ang ginawa niya? Itinago niya ang dalawang Israelita na nag-eespiya sa lupain. Ginawa niya ito dahil nabalitaan niya kung paano iniligtas ng Diyos ng Israel, si Jehova, ang kaniyang bayan mula sa mga Ehipsiyo at sa mga Amorita.

Tinulungan niya ang mga espiya at nakiusap na iligtas siya at ang kaniyang pamilya kapag wawasakin na ng mga Israelita ang Jerico. Pumayag ang mga espiya sa ilang kondisyon: Hindi niya ibubunyag ang kanilang misyon, dapat manatili siya at ang kaniyang pamilya sa bahay nila kapag lumusob na ang mga Israelita, at magtatali siya ng pulang lubid sa kaniyang bintana para matukoy ng mga Israelita ang kaniyang bahay. Sinunod ni Rahab ang lahat ng kondisyon kaya naligtas siya at ang kaniyang pamilya nang lumusob sa Jerico ang mga Israelita.

Nang maglaon, nakapag-asawa si Rahab ng isang Israelita at naging ninuno nina Haring David at Jesu-Kristo.—Josue 2:1-24; 6:25; Mateo 1:5, 6, 16.

Ano ang matututuhan natin kay Rahab? Isa si Rahab sa mga binanggit ng Bibliya na may matibay na pananampalataya. (Hebreo 11:30, 31; Santiago 2:25) Makikita sa kaniyang karanasan na mapagpatawad at hindi nagtatangi ang Diyos. Pinagpapala niya ang sinumang nagtitiwala sa kaniya, anuman ang kanilang pinagmulan.

  Raquel

Sino si Raquel? Anak siya ni Laban at ang pinakamamahal na asawa ng patriyarkang si Jacob.

Ano ang ginawa niya? Naging asawa niya si Jacob at nagkaanak sila ng dalawang lalaki na kasama sa naging ulo ng pamilya ng 12 tribo ng sinaunang Israel. Nakilala niya si Jacob habang binabantayan niya ang mga tupa ng kaniyang ama. (Genesis 29:9, 10) Mas “kaakit-akit” siya kaysa sa nakatatanda niyang kapatid na si Lea.—Genesis 29:17.

Mahal ni Jacob si Raquel kaya pumayag siyang magsilbi nang pitong taon para mapangasawa ito. (Genesis 29:18) Pero dinaya ni Laban si Jacob at ibinigay si Lea para mapangasawa niya. Pagkatapos, pumayag din si Laban na maging asawa ni Jacob si Raquel.—Genesis 29:25-27.

Mas mahal ni Jacob si Raquel at ang dalawa nilang anak kaysa kay Lea at sa mga anak nito. (Genesis 37:3; 44:20, 27-29) Dahil diyan, lagi silang nagpapaligsahan.—Genesis 29:30; 30:1, 15.

Ano ang matututuhan natin kay Raquel? Tiniis ni Raquel ang mahirap na sitwasyon ng kanilang pamilya. Hindi siya nawalan ng pag-asa na pakikinggan ng Diyos ang mga panalangin niya. (Genesis 30:22-24) Ipinapakita ng kaniyang karanasan ang masaklap na resulta ng poligamya. Kaya talagang tama ang orihinal na pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa—na dapat ay isa lang ang asawa.—Mateo 19:4-6.

  Rebeka

Sino si Rebeka? Siya ang asawa ni Isaac at ina ng kanilang kambal na lalaki, sina Jacob at Esau.

Ano ang ginawa niya? Ginawa niya ang gusto ng Diyos kahit na napakahirap nito. Habang sumasalok siya ng tubig sa bukal, may lalaking humingi ng tubig sa kaniya. Binigyan niya ito agad ng tubig at sumalok din siya para sa mga kamelyo nito. (Genesis 24:15-20) Ang lalaking iyon ay lingkod ni Abraham. Naglakbay siya nang napakalayo para ihanap ng mapapangasawa ang anak ni Abraham na si Isaac. (Genesis 24:2-4) Nanalangin din siya para gabayan siya ng Diyos. Nang makita niya ang kasipagan at pagkamapagpatuloy ni Rebeka, naisip niyang sinagot ng Diyos ang panalangin niya at si Rebeka ang pinili Niya para kay Isaac.—Genesis 24:10-14, 21, 27.

Nang malaman ni Rebeka ang dahilan kung bakit naroon ang lalaki, sumama siya sa kaniya at naging asawa ni Isaac. (Genesis 24:57-59) Nagkaroon sila ng kambal na lalaki. Sinabi ng Diyos sa kaniya na ang panganay, si Esau, ay maglilingkod sa nakababata, si Jacob. (Genesis 25:23) Nang pagpapalain na ni Isaac si Esau bilang panganay, gumawa si Rebeka ng paraan para si Jacob ang pagpalain nito, dahil alam niya na iyon ang gusto ng Diyos.—Genesis 27:1-17.

Ano ang matututuhan natin kay Rebeka? Siya ay mapagpakumbaba, masipag, at mapagpatuloy—mga katangiang tumulong sa kaniya na maging mabuting asawa, ina, at lingkod ng tunay na Diyos.

  • Para sa higit pang impormasyon tungkol kay Rebeka, tingnan ang artikulong “Handa Akong Sumama.”

  Ruth

Sino si Ruth? Isa siyang Moabita. Iniwan niya ang kaniyang diyos at sariling bayan para maging mananamba ni Jehova sa Israel.

Ano ang ginawa niya? Mahal na mahal niya ang kaniyang biyenang babae na si Noemi. Si Noemi, pati na ang asawa nito at dalawang anak na lalaki, ay pumunta sa Moab dahil sa taggutom sa Israel. Nakapag-asawa ang kaniyang mga anak ng mga Moabita—sina Ruth at Orpa. Pero namatay ang asawa ni Noemi at ang kaniyang mga anak kaya naging biyuda siya at ang dalawa niyang manugang.

Nagdesisyon si Noemi na bumalik sa Israel dahil tapos na rin ang tagtuyot. Sumama sa kaniya sina Ruth at Orpa. Pero sinabi ni Noemi sa kanila na bumalik sa kanilang mga kamag-anak. At gayon ang ginawa ni Orpa. (Ruth 1:1-6, 15) Pero hindi iniwan ni Ruth ang kaniyang biyenan. Mahal niya si Noemi at gusto niyang sambahin ang Diyos nito, si Jehova.—Ruth 1:16, 17; 2:11.

Mapagmahal na manugang si Ruth at masipag din siyang magtrabaho. Dahil diyan, naging maganda ang reputasyon niya sa bayan ni Noemi, ang Betlehem. May isang mayamang lalaki na may-ari ng lupain ang humanga kay Ruth; siya si Boaz. Pinaglaanan niya sina Ruth at Noemi ng pagkain. (Ruth 2:5-7, 20) Nang maglaon, napangasawa ni Ruth si Boaz at naging ninuno nina Haring David at Jesu-Kristo.—Mateo 1:5, 6, 16.

Ano ang matututuhan natin kay Ruth? Handa niyang iwan ang sariling bayan at pamilya dahil mahal niya si Noemi at si Jehova. Masipag siya, tapat, at hindi nang-iiwan kahit mahirap ang sitwasyon.

  Sara

Sino si Sara? Asawa siya ni Abraham at ina ni Isaac.

Ano ang ginawa niya? Iniwan ni Sara ang maalwang buhay sa mayamang lunsod ng Ur dahil nananampalataya siya sa pangako ng Diyos sa kaniyang asawang si Abraham. Inutusan ng Diyos si Abraham na umalis sa Ur at pumunta sa lupain ng Canaan. Ipinangako niyang pagpapalain niya si Abraham at gagawing isang malaking bansa. (Genesis 12:1-5) Malamang na nasa mga 60 anyos na si Sara nang panahong iyon. Mula noon, sa tolda na lang tumira sina Sara at Abraham.

Kahit na delikado dahil palipat-lipat sila ng lugar, sinuportahan niya si Abraham habang sinusunod nito ang mga tagubilin ng Diyos. (Genesis 12:10, 15) Matanda na si Sara at wala pa rin siyang anak, kaya lungkot na lungkot siya. Pero ipinangako ng Diyos na pagpapalain niya ang mga supling ni Abraham. (Genesis 12:7; 13:15; 15:18; 16:1, 2, 15) Ipinangako niya rin kay Sara na siya ang pagmumulan ng anak ni Abraham. Nang maglaon, nanganak siya kahit na parang imposible dahil matanda na siya. Noon, 90 taóng gulang na siya at 100 taóng gulang naman ang asawa niya. (Genesis 17:17; 21:2-5) Pinangalanan nila ang anak nila na Isaac.

Ano ang matututuhan natin kay Sara? Natutuhan natin kay Sara na talagang makakapagtiwala tayo na tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako, kahit ang mga bagay na parang imposible! (Hebreo 11:11) Natutuhan din natin na napakahalagang magpakita ng matinding paggalang ang mga asawang babae.—1 Pedro 3:5, 6.

 Timeline ng mga Babae sa Bibliya

  1.  Eva

  2. Baha (2370 B.C.E.)

  3.  Sara

  4.  Asawa ni Lot

  5.  Rebeka

  6.  Lea

  7.  Raquel

  8. Exodo (1513 B.C.E.)

  9.  Miriam

  10.  Rahab

  11.  Ruth

  12.  Debora

  13.  Jael

  14.  Delaila

  15.  Hana

  16. Unang hari ng Israel (1117 B.C.E.)

  17.  Abigail

  18.  Babaeng Shulamita

  19.  Jezebel

  20.  Esther

  21.  Maria (ina ni Jesus)

  22. Bautismo ni Jesus (29 C.E.)

  23.  Marta

  24.  Maria (kapatid nina Marta at Lazaro)

  25.  Maria Magdalena

  26. Kamatayan ni Jesus (33 C.E.)